Home OPINION BUNGANGA NAKASIPER SA ANTI-FLOOD SCAM

BUNGANGA NAKASIPER SA ANTI-FLOOD SCAM

245
0

WALA pang kongresman o senador o taga-Palasyo na klarong sangkot sa mga anomalya sa 350 bilyong flood control projects.

‘Yun bang === wala pang nababanggit sa mga imbestigasyon kung paano sila kumita o nagbulsa ng pondo mula sa mga proyektong ghost, substandard, putol-putol at iba pa.

Walang apoy kundi usok pa lang ang lumilitaw, lalo na sa bahagi ng mga kongresman, na sangkot sa nasabing mga ghost at dispalinghadong proyekto.

Hawak mismo ng Palasyo ang ilang datos dito batay sa mga imbestigasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.

Isang senador naman, partikular si Sen. Ping Lacson, ang meron ding datos dahil namamasyal ang team nito para sa aktuwal na pagbisita sa mga lugar na may gayung mga proyekto.

Tanging mga kontraktor at district engineers ng Department of Public Works and Highways lamang ang mga klarong pinangangalanan.

Sa bahagi ng mga kontraktor, mayroon nang nakatakdang i-blacklist o isuspinde ang accreditation ng mga ito habang sa bahagi ng district engineers, may ilan nang sinibak sa pwesto.

May kaisa-isang kongresman, si Batangas Rep. Leandro Leviste, ang nagkalakas-loob na ipahuli si Batangas district engineer Abelardo Calalo na aktuwal na nanuhol sa kanya upang hindi masama ito sa mga imbestigasyon

NAKABIBINGING KATAHIMIKAN.

Sa kabuuan, nakabibingi ang katahimikan ng mga kongresman, senador at taga-Palasyo sa mga akusasyon mismo ni Pang. Bongbong na may “for the boys, SOP”, may kikbak, may nagbulsa, may errata at iba pa.

Walang umaamin sa anomang pagkakasala.

Tatandaan na may sariling agenda ang ilang taga-DPWH sa pagsusumite nila ng mga proyekto sa Pangulo bilang bahagi ng National Expenditure Program o NEP.

Malaki ang posibilidad na may kakutsaba rin silang mga kongresman o senador, kasama na ang mahigit 67 kongresman-kontraktor.

May sariling maniobra naman mismo ang mga mambabatas gaya ng bawas-dagdag-lipat ng nilalaman ng NEP, kasama ang panukalang unprogrammed funds.

May katwiran ang mga mambabatas.

Trabaho lang naman nila umano ang mag-apruba ng badyet sa bawat proyekto ngunit wala na silang kinalaman sa implementasyon ng mga ito.

Isa pa, sa parte ng mga kongresman-kontraktor, nag-divest umano sila sa anomang puhunan o kaugnayan sa kanilang mga kompanya kaya wala ni anoman silang kinikita sa mga kontrata.

Ang masama pa, habang tinitipa ito, nagmumukhang bantulot ang mga mambabatas na magpangalan ng kanilang mga kabaro na sangkot sa mga anomalya at tila ipapasa na lang nila sa third party investigators o mismo sa Malakanyang ang paggawa nito.

Anak ng tokwa, tila masahol pa sila kay Poncio Pilato na naghugas-kamay sa pagkakabitay ni Kristo noon.

WALANG MAKUKULONG, MAPAPATALSIK SA PWESTO

Kung tahimik ang lahat at puro iwas-pusoy ang mga mambabatas sa pagpapangalan ng mga mambabatas na kanilang mga kabaro sa ngalan ng parliamentary at inter-parliamentary courtesy, maaarin mabalewala ang lahat ng mga imbestigasyon.

Paano kung ganito rin ang parte ng Malakanyang at kung meron man, mga hindi kaalyado o oposisyon kaya ang pag-iinitan nito?

Mag-antabay tayo lahat sa ibubunga ng mga imbestigasyon sa loob at labas ng Kongreso at Palasyo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here