Home NATIONWIDE Bus operators nais ng surprise drug tests sa mga drayber nito

Bus operators nais ng surprise drug tests sa mga drayber nito

MANILA, Philippines – Hinimok ng grupo ng mga bus operator ang pamahalaan na magsagawa ng surprise random drug tests sa halip na regular drug testing, upang mawala na ang mga drayber na gumagamit ng illegal na droga.

Sinabi ni Provincial Bus Operators Association executive director Alex Yague na ‘impractical’ ang regular na drug test para alisin ang mga PUV driver na gumagamit ng illigal na droga.

“Dapat ‘yan surprise palagi para mahuli natin kung sino yung gumagamit ng bawal na gamot,” ani Yague sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo.

Matatandaang nagbigay ng mandato ang Department of Transportation sa pagsasagawa ng regular drug testing sa mga PUV driver kasunod ng karambola sa Subic Clark Tarlac Expressway (SCTEX) at ramming incident sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.

Samantala, kinwestyon naman ng transport group na PISTON at ilang mambabatas ang direktiba ng DOTR na tinawag na dagdag pahirap sa mga drayber at isang “money-making scheme”.

Maliit na bilang lamang din umano ng mga PUV driver ang nagpopositibo sa illegal na droga.

Kinwestyon naman ni Yague ang panukala ng DOTR na limitahan sa apat na oras ang shift ng mga PUV driver na mahirap aniya dahil sa traffic sa Metro Manila.

“Pag-aalis ka dito sa mga terminal dito sa Metro Manila, minsan aabutin ka ng 1 or 2 oras matatraffic ka. ‘Yung 4 na oras maaring maging hindi practical yan kasi napaka-traffic ng mga kalsada. Mag-aapela kami.” RNT/JGC