MANILA, Philippines – PINAYUHAN ng Malakanyang ang pubiko na maging mapanuri at mapagmatyag sa gitna ng nalalapit na halalan sa bansa.
Hinikayat ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang mga ito na umiwas na masangkot sa ‘content’ ng mga indibiduwal na nagpapakalat ng fake news.
“Ang pintuan po ng pamahalaan ay hindi naman po hahadlangan ang anumang mga kritisismo hangga’t meron pong basehan,” ayon kay Castro.
“Ang ingatan lang po natin ay ang mga fake news peddlers. Labanan po natin ang mga fake news,” dagdag na wika nito.
Hinikayat din ni Castro ang publiko na umiwas na manood ng content na kritikal sa gobyerno ng walang basehan.
Maliban dito, diniscouraged naman niya ang “keyboard warriors” na nagpapakalat ng fake news mula sa pagbebenta sa bansa.
“‘Wag niyo po ibenta ang inyong dignidad. ‘Wag ibenta ang bansa sa ibang mga bansa na maaaring may interes dito sa ating teritoryo, sa ating soberenya,” aniya pa rin.
“Huwag ibenta ang bansa sa pamamagitan ng pagiging keyboard warrior at ang tanging maging trabaho o goal ay gumawa ng fake news,” ang pahayag ni Castro.
Nauna rito, idineklara ng Malakanyang na special non working holiday ang May 12, 2025, Araw ng Halalan. Kris Jose