Home NATIONWIDE Lisensiya ng ‘kamote’ driver, motorista na sangkot sa road rage, pinababawi ni...

Lisensiya ng ‘kamote’ driver, motorista na sangkot sa road rage, pinababawi ni Escudero

MANILA, Philippines – Pinababawi ni Senate President Francis “Chiz’ Escudero sa Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng “kamote driver” at motorista na sangkot sa anumang road rage at alinmang vehicular crashes bilang pagdidisiplina.

Sa pahayag, sinabi ni Escudero na lubha nang nakakabahala ang maraming content sa social media hinggil sa road rage at aksidente na sa halip kapulutan ng aral, nagiging palabas na nakakatawa.

“Naging uso na content sa social media ang video ng mga ‘kamote’ drivers pero sa totoo lang ay hindi nakakatawa o nakakaaliw ang kilos ng mga ito. Ang daming napeperwisyo at kadalasan nauuwi sa karahasan ang mga insidenteng ito,” ayon kay Escudero.

“Para matiyak na ligtas ang ating lansangan laban sa mga ganitong uri ng motorista, dapat bawiin kaagad ang kanilang lisensiya, hindi suspendihin,” giit ng lider ng Senado.

Bilang responsableng driver, ikinalungkot ni Escudero na pangunahing problema sa lansangan sa bansa ang kawalan ng disiplina sa kalye.

“We need to have order on our roads. The lack of discipline among our motorists has become a serious issue. Drastic measures should be taken to restore order and revoking licenses of abusive motorists is a good first step toward achieving this,” aniya.

Sinabi ng beteranong mambabatas na hindi sapat ang 90-araw na suspensiyon na ipinapataw ng LTO bilang hadlang laban sa masasamang ugali sa ating mga motorista.

“It cannot be overemphasized that having a driver’s license is a privilege and not a right. You have certain responsibilities while operating a vehicle,” aniya.

“Kapag walang disiplina ang motorista, dapat lang na tanggalan sila ng lisensya.” Ernie Reyes