Home NATIONWIDE Buwanang job fairs iniatas ni PBBM sa DOLE

Buwanang job fairs iniatas ni PBBM sa DOLE

Manila, Philippines — Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magsagawa ng buwanang job fairs upang mabigyan ng mas maraming oportunidad sa trabaho ang mga Pilipino.

“Mahigpit kong tagubilin sa Kalihim ng Paggawa na siguruhing buwan-buwan ay may job fair upang mas marami pang mabigyan ng trabaho,” pahayag ng Pangulo sa kanyang talumpati sa 123rd Labor Day celebrations sa Pasay City.

Ayon kay PBBM, mula Hulyo 2022 hanggang Pebrero 2024, naisagawa na ang mahigit 4,000 job fairs kung saan isang milyong Pilipino ang lumahok at halos 170,000 ang agad na na-hire on the spot.

Kaugnay ng Labor Day celebrations, isinagawa rin ng pamahalaan, katuwang ang pribadong sektor, ang mga job fair sa 69 lokasyon sa buong bansa simula noong Abril 23.

Ipinahayag din ng Pangulo na aktibo ang gobyerno sa paghikayat sa local at foreign investors upang lumikha pa ng mas maraming trabaho. Mula 2022 hanggang 2024, nakapagtala ang Pilipinas ng US$27 billion sa investments at mahigit P4.35 trilyon na total investments, ayon sa Investment Promotion Agencies.

Ang mga hakbang na ito ay nagresulta sa paglikha ng higit 350,000 trabaho sa bansa.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang lumalakas na ekonomiya ng Pilipinas, kung saan naitala ang pinakamababang unemployment rate sa loob ng dalawang dekada—4.3%, na bumaba pa sa 3.8% nitong Pebrero 2024.

Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, kinilala ni PBBM ang mga manggagawang Pilipino bilang mga “haligi at pundasyon ng lipunan”—hindi lamang sa bansa kundi maging sa ibang panig ng mundo. Kris Jose