TAMA ang punto ng Malayang Konsyumer na ang regulated online gaming ay hindi lamang usapin ng paglalaro kundi isang ligal na industriya na may malaking ambag sa ekonomiya at kaligtasan ng publiko.
Habang kitang-kita ang panganib mula sa illegal operators, damang-dama naman ang benepisyo mula sa mga lisensyadong kompanya na sumusunod sa regulasyon at nagbabayad ng tamang buwis.
Ayon kay Malayang Konsyumer convenor Mark Jansen Magsano, sa regulated platforms ay mas ligtas ang mga manlalaro dahil may safeguards tulad ng age verification, deposit limits, self-exclusion tools at proteksyon sa personal na impormasyon at pondo ng players.
Dagdag pa rito, sa datos ng Philippine Amusement and Gaming Corporation, halos kalahati ng gaming revenues sa first quarter ng 2025 ay mula sa licensed operators. Ibig sabihin, malaking pondo ang naidagdag sa kaban ng bayan mula sa buwis, habang libo-libong trabaho ang naibibigay sa mga Pilipino.
Kung ikukumpara, ang illegal operators ay hindi nagbabayad ng buwis, hindi nagpo-provide ng player protection, at walang pakialam sa kapakanan ng mga manlalaro. Ang bawat pisong napupunta sa mga ito ay direktang nawawala sa gobyerno at sa mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan at imprastruktura.
Ang masahol pa, lalo lang nitong pinapalakas ang mga sindikatong gumagawa ng malalaking krimen.
Dapat suportahan ng pamahalaan ang panawagan ng Malayang Konsyumer. Kailangan ang mas maigting na aksyon ng National Telecommunications Commission, Department of Justice, National Bureau of Investigation at Philippine National Police para supilin ang illegal operators.
Ngunit hindi dapat dito nagtatapos ang solusyon. Ang pagpapatibay sa regulated industry ang susi upang masiguro ang proteksyon ng manlalaro, ang pagpasok ng buwis, at ang paglikha ng mas maraming trabaho.
Hindi total ban ang sagot, kundi tamang regulasyon at masusing pagpapatupad. Sa ganitong paraan, matutulungan ang ekonomiya, mapoprotektahan ang mamamayan, at natitiyak na ang online gaming industry ay naglilingkod hindi lang sa iilang tao kundi sa bayan mismo.






