DAHIL sa sobrang nakawan ngayon sa kwarta o buwis ng mga mamamayan, naalala tuloy natin ang mga pinagkukwartahan o pagnanakaw ng mga opisyal ng bayan noong unang mga panahon.
Maraming kongresman at senador, kabilang ang mga mayor, ang kumikita noon bilang mga konsesyonaryo sa logging o kontraktor kaya.
Sa Cagayan, Cordillera, Isabela, Samar at iba pang mga bahagi ng Kabisayaan at sa Mindanao.
Para makapag-operate ka sa sakop ng ‘timber license agreement’ ng konsesyonaryo, kailangan mong pangitiin ang mga regional director ng Department of Environment and Natural Resources ng minimum na P500,000 at isang susi ng bagong sasakyan.
Ganito rin ang sistema, ayon sa mga kaibigan natin, sa pagmimina.
Masahol pa, ang mga nasa mas mataas sa pamahalaan na pumipirma ng mga mining konsesyon at permit, pinipilit ang mga sarili na maging kasosyo ng mga mining company…kung hindi, tigbak ang aplikasyon sa pagmimina.
Dumating ang martial law, nagpatuloy ang logging at pagmimina na pinagkakakitaan.
Pero nadagdag ang dala-dalawang pisong singil sa milyong magniniyog bilang kapital umano para sa mga iskolarship ng kanilang mga anak at modernisasyon ng industriyang niyog hanggang sa bilyon-bilyong piso na ang naipon na ibinulsa lang at ininegosyo ng mga crony noon at taga-Palasyo na rin.
Naging uso na rin ang komersyal na pangingisda at barko na ang gamit sa karagatan at daan-daan o libo-libong ektarya naman sa mga lawa, gaya ng 90,000 ektaryang Laguna de Bay, ang sinakop ng mga kongresman, senador at ilang taga-Palasyo.
Pinagkaperahan na rin nila ang pagtatayo ng mga export processing zone at may ilan sa kanila ang kumontrol o umangkin na mismo sa mga ito.
Ang smuggling mula noon hanggang ngayon ang kabilang naman sa walang kamatayang pinagkakaperahan.
Ngayon, ‘yang buwis na ng bayan ang pangunahin nilang binabantay-salakay. Kinnayo!






