Home NATIONWIDE Buying price ng palay itataas ng NFA sa P24 kada kilo

Buying price ng palay itataas ng NFA sa P24 kada kilo

MANILA, Philippines- Maaari nang ibenta ng mga magsasaka ang kanilang mga naaning palay sa mas mataas na halaga.

Sinabi ni National Food Authority (NFA) Administrator Larry Lacson na sa ngayon kasi ay bineberipikang mabuti ng NFA ang ulat hinggil sa mababang presyo ng fresh o wet palay.

“Pinapa-monitor ko na. May mga reports na rin tayo nabasa na may P13 daw, may P14,” ang tinuran ni Lacson sabay sabing, “So the logical thing to do is verify kung totoo. Kung totoo ‘yan na bumababa na ng ganyan na level, sa ngayon we have to act as NFA, as a government entity, to help alleviate ‘yung presyo ng palay.”

Ang kasalukuyang NFA buying price ng wet palay ay P18 hanggang P19 kada kilo, habang ang dry palay naman ay mabibili sa halagang P23 per kilo.

“We may may increase the buying price of palay next week kung ma-verify namin na talagang bumagsak na ‘yan,” pahayag ni Lacson.

“Initally I’m thinking of at least one-peso increase next week para lang ma-calibrate natin ‘yung presyo sa merkado. Ia-adjust natin ‘yan so that mga magsasaka natin may option na mas mataas ang presyo,” dagdag niya.

Ang nasabing pagtaas ay maaaring i-translate sa P5000 karagdagang kita ng mga magsasaka.

Tinuran pa rin ni Lacson, ito ang naging dahilan para ang mga mangangalakal ay bumili ng palay sa mas mataas na presyo.

“Doon naman sa ibang traders na namimili kung kami ay nag-increase ng piso ang difference na ng presyo namin sa kanila ay dalawang piso na, tatlong piso or even higher. Saan pupunta ang magsasaka? Pupunta sa NFA, hindi sa trader. Kung si trader kailangan niya ng palay hahabol siya ng presyo,” ang paliwanag ni Lacson.

Ngayong taon, umaasa ang NFA na makabibili ng 545,000 metric tons ng palay o mahigit sa 300,000 metric tons ng uri ng bigas.

Noong nakaraang linggo, nagsimulang magpalabas ang Department of Agriculture (DA) ng NFA rice stocks sa local government units (LGUs) matapos ang deklarasyon ng food security emergency, dahilan para buksan ng departamento ang mga bodega nito at ibenta ang mga stocks sa layuning pagaanin retail prices ng produkto.

Sa kabilang dako, hinikayat naman ng NFA ang local government units (LGUs) na bumili ng bigas nito dahil nananatiling puno ang kanilang mga bodega habang may ilang pamilihan naman ang nagbebenta ng bigas sa halagang P42 per kilo.

Ang warehouse ng NFA sa Balagtas, Bulacan, halimbawa ay nananatiling may hawak na 20,000 sako ng bigas.

Gayunman, wala namang NFA rice ang naibenta sa pinakamalapit na pamilihan, isang kilometro ang layo mula sa warehouse.

“This is the case in the majority of the country since only a few LGUs buy NFA rice in provinces,” ayon sa NFA.

Bunsod naman ng deklarasyon ng food emergency sa bansa, maaaring bumili ang LGUs ng P33 kada kilo ng bigas at ipagbili ito sa publiko ng P35 kada kilo.

Sinabi pa ng NFA na hindi sila maaaring bumili ng bagong ani na bigas dahil wala silang imbakan.

“Kung ano mailalabas namin bigas ‘yun din kaya namin ipasok na palay kaya kailangan malabas lahat ito,” ayon kay Lacson.

“Nakikita niyo naman yung mga bodega natin punong-puno. Paano kami makakabili ng marami kung wala kaming paglalagyan? Nilalapit namin sa lahat ng LGUs na malapit na sa mga NFA warehouses na tulungan natin mga consumers makabili ng mura at dekalidad na bigas at the same time tulungan natin mga magsasaka sa locality nila,” dagdag ng opisyal. Kris Jose