MANILA, Philippines – Iniimbestigahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang biyahe ng mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Maynila sa Bangkok matapos batikusin online bilang isang junket na ginastusan umano ng buwis ng taumbayan.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, aalamin ng imbestigasyon kung ginamit nga ang pondo ng gobyerno.
Na-expose ang tatlong araw na trip nang mag-post si SK Federation president Juliana Ibay ng mga larawan ng elephant ride at pamimili, na agad naging viral.
Pinuna ng mga kritiko ang aktibidad na tinawag na “capacity development and international benchmarking,” dahil wala namang youth-led political body sa Thailand na maihahambing sa SK.
Depensa naman ng SK Federation, isinagawa ang programa sa pakikipagtulungan sa St. Robert’s International College at nakatuon sa HIV response at community interventions. Giit nila, aprobado ito ng DILG at ng city government at may kaukulang travel authority.
Sa 896 SK officials ng Maynila, 667 ang lumahok, bawat isa ay nakatanggap ng ₱33,990 para sa airfare, pagkain at tirahan, at ₱6,000 na daily allowance. RNT