Home NATIONWIDE CA kinumpirma appointments ng 5 AFP officers at 85 DFA officials

CA kinumpirma appointments ng 5 AFP officers at 85 DFA officials

3
0
(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Commission on Appointments (CA) nitong Miyerkules ang ad interim appointments ng limang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at 85 opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa isinagawang special session ng Kongreso.

Humarap sa komite ang apat na heneral at isang flag officer ng AFP matapos maantala ang kanilang kumpirmasyon dahil sa naging sigalot sa liderato ng Senado nitong mga nakaraang linggo.

Ayon kay Butuan Rep. Jose Aquino II, chairperson ng CA Committee on National Defense, natugunan ng mga opisyal ang lahat ng kinakailangang rekisito at hindi dapat maapektuhan ng mga pangyayaring wala silang kontrol.

Sa pagdinig, kinuwestiyon ni Sen. Rodante Marcoleta kung kwalipikado pa bang ma-promote ang mga opisyal dahil wala nang isang taon ang natitirang serbisyo ng ilan sa kanila bago ang mandatory retirement, alinsunod sa Republic Act No. 11939.

Ipinaliwanag naman ni Sen. Panfilo Lacson na ang mga ad interim appointments ay muling pagsusumite lamang ng nauna nang mga appointment at bahagi pa rin ng regular session ang special session.

“Since this is a special session, it is a continuation of the regular session. Therefore, hindi pa po sila pasok doon sa one-year ban. Kasi hindi naman po nila kasalanan na nagkagulo-gulo kami dito sa Senado at hindi na take up yung kanilang confirmation,” ani Lacson.

Binanggit din ni Marikina Rep. Marcy Teodoro ang umiiral na jurisprudence na nagsasabing nananatiling nakabinbin at maaaring aksiyunan ng CA ang mga naturang appointment.

Kalaunan ay inaprubahan ng CA ang appointments ng limang AFP officers at ng 85 opisyal ng DFA, kabilang ang mga chief of mission at foreign service officers. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here