NAGLUNSAD ang Pag-IBIG Fund ng bagong Special Assistance for Financial Emergencies o SAFE Loan program upang magkaloob ng abot-kayang tulong pinansyal na hanggang P10,000 para sa mga kwalipikadong miyembro na dumaranas ng gipit na sitwasyon dahil sa patuloy na epekto ng krisis sa Middle East, ayon sa opisyal na inanunsyo nina Pag-IBIG Fund Board Chairman Jose Ramon P. Aliling at Chief Executive Officer Marilene C. Acosta.
Ang ayudang ito ay bahagi ng patuloy na suporta ng Pag-IBIG Fund sa mga manggagawang Pilipino at kanilang mga pamilya, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maghatid ng mabilis at praktikal na saklolo sa mga mamamayan sa oras ng kagipitan.
Ayon kay CEO Marilene Acosta, kasunod ito ng naunang special benefits package na ipinagkaloob ng ahensya sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) na sapilitang pinauwi o na-repatriate mula sa Gitnang Silangan dahil sa tensyon.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary at Pag-IBIG Board Chairman Jose Ramon P. Aliling, ang SAFE Loan ay isang mabisang paraan ng ahensya upang magbigay ng konkretong tulong habang patuloy na ginagabayan ng pamahalaan ang mga pamilyang Pilipino na apektado ng mga kaganapan sa ibang bansa.
“Inatasan ni Pangulong Marcos ang mga ahensiya ng gobyerno na ilapit ang mabilis at praktikal na tulong sa mga pamilyang Pilipino,” ani Aliling. “Bilang tugon, ipinapagamit ng Pag-IBIG Fund ang SAFE Loan upang ang mga kwalipikadong miyembro ay magkaroon ng mapagkukunan ng perang pantustos sa mga agarang pangangailangan sa bahay, lalo pa’t ramdam pa rin ang epekto ng krisis sa Middle East sa presyo ng langis, kuryente, pamasahe, at iba pang araw-araw na bilihin dito sa bansa.”
Binigyang-diin naman ni CEO Acosta na matapos tulungan ang mga direktang naapektuhang OFW, panahon naman ngayon upang palawakin ang suporta sa mga miyembrong naiwan sa Pilipinas ngunit nakararanas ng bigat sa mga pang-araw-araw na gastusin.
Ang mga aplikasyon para sa programang ito ay tatanggapin ng ahensya hanggang Setyembre 8, 2026.






