Home NATIONWIDE CA nagpalabas ng freeze order sa bank accounts, assets ni Quiboloy

CA nagpalabas ng freeze order sa bank accounts, assets ni Quiboloy

MANIILA, Philippines- Iniutos ng Court of Appeals (CA) na isailalim sa freeze order ang pera sa banko at mga ari-arian ni Kingdom of Jesus Christ Leader Pastor Apollo C. Quiboloy at siyam na associates nito.

Sa 48 pahinang resolusyon, pinayagan ng CA ang petisyon ng Anti Money Laundering Council (AMLC).

Sa kautusan ng CA, hindi rin maaaring galawin ang bank accounts at properties ng Kingdom of Jesus Christ at broadcast arm nito na Sonshine Media Network Inc.

Layon nito na maiwasan na ma-withdraw, mailipat o maitago sa batas ang mga pondo na kinukwestiyon.

Mananatili ang freeze order ng 20 araw batay sa kahilingan ng AMLC.

Ayon sa CA, kasama sa mga hindi maaaring galawin ay ang pera ng Children’s Joy Foundation, isang organisasyon na nasa loob ng compound ng KOJC sa Davao City

Kasama rin dito ang mga bank account ng mga indibidwal na kaalyado ni Pastor Quiboloy na sina Maria Teresita Dandan, Helen Pagaduan Panilag, Paulene Chavez Canada, Cresente Chavez Canada, Ingrid Chavez Canada, Sylvia Calija Cemañes, Jackielyn Wong Roy, Alona Mertalla Santander, at Marlon Bongas Acobo.

Sa mga nasa freeze order na bank account, 10 ang nakapangalan kay Pastor Quiboloy, 47 sa Kingdom of Jesus Christ, 17 sa Swara Sug Media Corporation na holder ng SMNI. Teresa Tavares