Home NATIONWIDE Bong Go: Bintang ni Trillanes, basura!

Bong Go: Bintang ni Trillanes, basura!

MANILA, Philippines- Minaliit ni Senator Bong Go ang pagsasampa ng kasong plunder laban sa kanya ni dating Sen. Sonny Trillanes sa pagsasabing ang nasabing akusasyon ay “rehashed” o basura na naglalayong madungisan ang kanyang pangalan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Go na halatang bumalik ang “Traditional Trillanes” na gumagamit ng black propaganda dahil malapit na ang panahon ng eleksyon.

“Alam mo, Trillanes, sa totoo lang, hindi ka na dapat patulan pa kasi aksaya ka lang sa panahon,” ang sabi ni Go.

“You know what Trillanes, in all honesty, hindi ka na dapat binibigyang pansin dahil nagsasayang ka lang ng oras.”

“Pero mabuti na rin ito para malaman ang lahat ng katotohanan na wala ka naman talagang ginagawa kundi mag-recycle ng isyu na ikaw rin ang nag-imbento upang linlangin ang taumbayan,” idinagdag pa ni Go.

Nagsampa noong Miyerkules ng umaga sa Department of Justice ng kasong plunder laban kay Go at dating Pangulong Rodrigo Duterte si Trillanes hinggil  sa umano’y anomalya sa Philippine Navy Frigate Acquisition project.

Bilang pagkontra sa alegasyon na ito, iginiit ni Go na naresolba na ang isyu kahit noong senador pa si Trillanes.

“Mismong ang Senado, sa pamamagitan ng Senate committee on national defense na pinamumunuan noon ni dating Senator Gregorio Honasan, na ang nag-imbestiga sa nasabing isyu, at wala namang napatunayang anomalya,” ani Go.

“Ang noo’y Defense Secretary Delfin Lorenzana na rin ang nagsabi sa Senate hearing na wala akong kinalaman at, kailanman, hindi ako nakialam o nanghimasok sa Frigate Acquisition Project (FAP) ng Philippine Navy,” ayon pa sa senador.

“Ito rin ang sinabi ni dating Navy Flag officer-in-command Vice Admiral Ronald Joseph Mercado sa kaparehong Senate hearing—na minsan ay hindi ko siya nilapitan ukol sa FAP o kinausap para maimpluwensyahan ang kanyang desisyon bilang end-user,” sabi pa niya.

“At panghuli, ang noo’y Rear Admiral Robert Empedrad, ang chairperson ng Frigate Project Management Team, na mismo ang nagsabi – walang anomalya, walang problema, no intervention.”

“Ang isyung ito ay muling na-rehashed at ni-recycle para sa malinaw na layunin ng pamumulitika. Ito ay isang malinaw na kaso ng mapanirang pulitika at siguradong senyales ng desperasyon para siraan ako at ang dating Pangulo,” idiniin ni Go.

Gayunpaman, sinabi ni Go na malugod niyang tinatanggap ang mga hakbang na ito upang wakasan na ang mga kasinungalingang ito,” dagdag ng senador.

“Alam naman ng taumbayan kung sino ang tunay na nagtatrabaho at kung sino ang attack dog lamang na tamad! Kung may dapat imbestigahan, hindi ba ang magulang mo ang may negosyo sa gobyerno at nagsu-supply sa military? Tao na ang humusga,” pahabol pa ni Go. RNT