MANILA, Philippines- Matinding tinutulan ni Senador Alan Peter Cayetano ang panukalang batas na inihain sa Kamara upang buhayin at pasiglahin ang e-sabong, isang uri ng online gambling na nabibiktima ang kabataan.
Sinabi ni Cayetano na dapat tutukan ng gobyerno ang pagpapalago ng pangunahing sektor ng ekonomiya sa halip na umasa sa iba’t ibang uri ng sugal upang tumaas ang kita ng gobyerno.
Nitong Martes, natuklasan sa Kamara na may nagpanukala upang muling buhayin at gawing legal ang e-sabong bilang kapalit sa nawalang kita sa ipinagbawal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Binigyang-diin ng senador ang pangangailangang mamuhunan sa agrikultura, isulong ang turismo, at pasiglahin ang lahat ng industriya upang lumago ang kaban ng bayan.
Aniya, ang mga sektor na ito ay magbibigay ng pangmatagalang financial benefit sa bansa at magdudulot ng positibong epekto sa buhay ng Pilipino, hindi tulad ng sugal.
Bilang matinding kritiko ng lahat ng anyo ng sugal sa bansa, matagal nang nagbababala si Cayetano sa mga negatibong epekto ng online sabong, na hamak ang laki kaysa anumang pinansiyal na pakinabang na maaaring ibigay nito.
Punto niya, dahil madaling ma-access ang online sabong, mas mataas din ang posibilidad ng adiksyon, pagkabaon sa utang, at pagdami ng krimen, kabilang na sa kabataan.
“Ano ba y’ung tinatanim natin sa next generation? Wala pa akong nakitang bansa na talagang umunlad dahil sa online gaming,” aniya.
Dalawang taon na ang nakalilipas, nakini-kinita na ni Cayetano ang posibleng muling pagbuhay sa e-sabong matapos ipatigil ito.
“Sa totoo lang, magpapalamig lang ‘yan. Tapos sa Senado naman pupunta para sa franchise, o sa next administration,” giit ng senador.
Matatandaang ipinahinto ang operasyon ng e-sabong sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng pagkawala ng mahigit sa 30 indibidwal na sangkot dito.
Punto pa ni Cayetano, kung patuloy na igigiit ng taumbayan ang pagtutol sa e-sabong at ang pagkakaroon ng mas maraming investment at trabaho sa bansa, “God willing po hindi na ito makakabalik,” aniya. Ernie Reyes