MANILA, Philippines — Posibleng tumaas ang presyo ng airline tickets sa unang kalahati ng Agosto matapos itaas ng Civil Aeronautics Board (CAB) sa Level 13 mula Level 8 ang pinapayagang fuel surcharge dahil sa pabago-bagong presyo ng langis.
Sa ilalim ng Level 13, maaaring maningil ang mga airline ng dagdag na PHP423 hanggang PHP1,237 para sa domestic flights at PHP1,396.74 hanggang PHP10,385.42 para sa international flights, depende sa layo ng biyahe.
Para sa Hulyo 16 hanggang 31, nasa PHP253 hanggang PHP787 ang Level 8 surcharge sa domestic flights, habang PHP835.05 hanggang PHP6,208.98 naman para sa international routes.
Ang fuel surcharge ay dagdag na bayad bukod sa base fare na maaaring singilin ng mga airline upang mabawi ang gastusin dulot ng pagbabago sa presyo ng langis.
Gumagamit ang CAB ng 15-araw na monitoring at implementation cycle sa pagpapataw ng fuel surcharge upang mabawasan ang epekto ng biglaang pagtaas ng presyo ng fuel sa gastos sa paglalakbay sa himpapawid.
Sinabi ng AirAsia Philippines na patuloy na malaki ang epekto ng tumataas na presyo ng jet fuel sa pandaigdigang merkado sa kanilang operasyon.
“We continue to find ways to keep travel as accessible as possible without compromising the safety and reliability of flights,” pahayag ng airline.
Idinagdag ng AirAsia na maaaring singilin ang mga pasahero sa kanilang network ng PHP1,237 hanggang PHP10,385.82 na fuel surcharge sa ilalim ng Level 13, depende sa destinasyon.
Itinakda naman ng CAB ang applicable exchange rate para sa fuel surcharge sa PHP61.65 kada USD1. Dave Baluyot