Patay ang isang 39 anyos na cable installer nang tadtarin ng saksak ng isang salarin na nakamotorsiklo sa Tondo,Maynila nitong Sabado ng gabi.
Dead on arrival sa Ospital ng Tondo ang biktima na si Frankie Aquilar y Ranis , residente ng Bagac St., Tondo habang nakatakas naman ang suspek na si Ryan Jaztin Pablo, alyas balong, 32 anyos ng nasabi ding lugar.
Sa kuha ng CCTV mula sa Barangay 196,makikitang bigla na lamang sumulpot ang suspek sakay ng isang motorsiklo habang nakatayo naman ang biktima sa gasoline station sa Matang Tubig St.
Nagmamadaling bumaba ng motorsiklo ang suspek at inundayan ang biktima ng patalim hanggang sa tila nagpatintero ang dalawa sa naturang gasolinahan.
Bagamat may saksak na ang biktima nagawa pang makatakbo sa kalsada ngunit hinabol pa rin ng suspek at hindi nilubayan ng saksak habang nakahandusay na nagresulta ng kanyang kamatayan.
Patuloy namang iniimbestigahan ng MPD-Homicide Section ang motibo ng suspek sa pananaksak sa biktima. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)