Home NATIONWIDE Cacdac bibisita sa Kuwait sa pagdami ng mga OFW na nais umuwi...

Cacdac bibisita sa Kuwait sa pagdami ng mga OFW na nais umuwi ng bansa

56
0

MANILA, Philippines — Bibisita sa Kuwait sa susunod na linggo si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac upang personal na alamin ang kalagayan ng overseas Filipino workers (OFWs) kasunod ng pagdami ng mga nais magpa-repatriate dahil sa nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.

Sa press briefing sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 nitong Huwebes, tiniyak ni Cacdac na patuloy na mino-monitor ng gobyerno ang sitwasyon sa Kuwait at iba pang apektadong bansa sa rehiyon.

“So we have 9,038 already repatriated as of today. And then the repatriation flights will continue. Among others, yung sa Kuwait. Kasi di ba napapabalita na meron pa rin kumbaga dumadami ‘yung mga nagnanais na umuwi sa state of Kuwait,” ani Cacdac.

Ayon sa kalihim, katuwang ng DMW ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at iba pang ahensya ng gobyerno sa pagpapatupad ng repatriation at assistance efforts.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 17,517 OFWs ang nabigyan ng financial assistance ng DMW.

Sa bilang na ito, 9,822 ang mga OFW na umuwi sa Pilipinas habang 7,695 naman ang nanatili sa host countries ngunit naapektuhan ang kanilang trabaho, oras ng duty, o sahod dahil sa krisis.

Ani Cacdac, nakatanggap ng USD200 na on-site financial assistance ang mga OFW na nanatili abroad, habang ang mga repatriated workers ay tumanggap ng tig-P10,000 mula sa Aksyon Fund ng DMW.

Nagbigay rin ang OWWA ng karagdagang P10,000 cash assistance bukod pa sa tulong mula sa iba pang ahensya gaya ng Department of Social Welfare and Development.

Nag-aalok naman ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng libreng training vouchers para sa upskilling, habang libreng medical check-up naman ang ibinibigay ng Department of Health.

Tumutulong din ang Department of Labor and Employment sa paghahanap ng trabaho para sa mga umuwing OFW.

Sinabi rin ni Cacdac na may mga OFW na unang gumastos para sa sarili nilang airline tickets ngunit naapektuhan ng flight cancellations kaya’t nabigyan din ng tulong pinansyal ng gobyerno.

Samantala, sinabi ng DMW na patuloy nitong pinalalakas ang reintegration support sa pamamagitan ng National Reintegration Network.

“Magpapatuloy ang repatriation efforts at pagbibigay ng kinakailangang suporta upang matiyak ang ligtas at maayos na pag-uwi ng mga apektadong OFWs, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.,” ani Cacdac. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here