Ito ang bwelta ni Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin kay Dr. Tony Leachon matapos manawagan ang huli na magbitiw sa pwesto si Executive Secretary Ralph Recto dahil sa mga isyu sa PhilHealth at buwis.
Ayon kay Garin, ang mga banat ni Leachon ay “misplaced,” pulitikal, at malayo sa reyalidad ng pamamahala kung saan kailangang balansehin ang koleksyon ng buwis at gastusin sa kalusugan para sa mga mahihirap.
“Kung totoong buwis ang adbokasiya mo, then say it straight: tax the rich, subsidize the poor and stop pretending that every complicated fiscal decision can be solved by calling for someone’s resignation,” ani Garin.
Binigyang-diin pa ng dating Health Secretary na kulang sa context ang ginagawa ni Leachon at madali umanong magpa-viral sa social media pero mahirap maglatag ng konkretong solusyon.
“Doktor siya, so dapat alam niya na hindi lahat ng sakit nadadaan sa sigaw. Ganoon din sa gobyerno. Hindi lahat ng problema sa health financing nadadaan sa resignation demand,” dagdag pa ni Garin.
Matatandaang nag-post online si Leachon na humihiling sa pagbibitiw ni Recto dahil sa “defunding” ng PhilHealth, hindi pagbaba ng excise tax sa langis, at ang papel ni Recto bilang “author” ng Expanded Value-Added Tax (EVAT).
Depensa naman nina Batangas Rep. Gerville Luistro at San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora, hindi makatarungang isisi kay Recto ang mga polisiya na dumaan sa Kongreso at sa buong machinery ng gobyerno.
“Calling for resignation is the easiest line to throw kapag ayaw mong harapin ang mahirap na bahagi ng pamamahala,” pahayag ni Luistro. Giit niya, ang mas mahalagang usapin ay kung paano palalakasin ang PhilHealth benefits sa halip na gawing “personality attack” ang debate.
Sinabihan naman ni Zamora si Leachon na ang pagpuna sa gobyerno ay dapat tumutulong sa publiko na maunawaan ang mga opsyon, sa halip na takutin sila ng mga “half-context claims” na naglalayong magtanim ng galit.
“Public health advocacy should help people understand the choices before government. It should not scare them with half-context claims that make anger easier than understanding,” pagtatapos ni Zamora. Gail Mendoza