MANILA, Philippines – Umapela ang mga magulang ni Mary Jane Veloso sa Korte Suprema ngayong Biyernes ng umaga, Mayo 8 upang hilingin ang agarang pagresolba sa halos anim na buwan nang nakabinbin na Petition for Writ of Habeas Corpus mula nang naisampa noong Nobyembre 2025.
Kinuwestyon sa petisyon ang legalidad ng patuloy na pagkakakulong ni Mary Jane sa Correctional Institution for Women.
Sinabi ni Atty. Kathy Panguban ng NUPL Women and Children Committee, kalakip ng mosyon ang sulat-kamay ni Mary Jane para sa Chief Justice, na nananawagan na dinggin na ang kanilang petisyon upang matukoy kung may sapat na batayan ang kanyang patuloy na pagkakakulong.
Samantala, muling nakiusap ang mag-asawang Veloso kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na pagkalooban na ng clemency ang kanilang anak.
Hiling din ng ina ni Mary Jane sa gobyerno na ipagkaloob na sana ang kanilang hinihingi ngayong Mother’s Day na makapiling na ang kanyang anak.
Taong 2010 nang maaresto si Mary Jane at nasentensyahan ng kamatayan sa Indonesia noong Abril 2015, pero hindi natuloy ang firing squad matapos nakipag-negosasyon ang pamahalaang Pilipinas at sumuko sa mga pulis sa Pilipinas ang babaeng itinuturong naglagay ng droga sa bagahe ni Mary Jane.
Nauna diyan, Disyembre 2024 ay nagkasundo ang Indonesia at Pilipinas sa kanyang paglilipat pabalik sa bansa, at inuwi siya sa Manila para dito ipagpatuloy ang sentensya na makulong. Jocelyn Tabangcura-Domenden