Home NATIONWIDE Cafgu naharang sa baril, shabu sa Batangas checkpoint

Cafgu naharang sa baril, shabu sa Batangas checkpoint

MANILA, Philippines – Naharang ang motorcycle-riding member ng Citizen Armed Force Geographical Unit (Cafgu) ng Philippine Army matapos mahulihan ng illegal na armas at shabu matapos ang habulan sa Tuy, Batangas.

Iniulat ng Region 4A police nitong Martes, Hulyo 9, na nagsasagawa ng “Oplan Sita” ang mga pulis nang parahin nila si “Ariel” sa Barangay Luntal bandang 8:50 ng gabi dahil sa pagmamaneho na walang helmet.

Habang iniinspeksyon ng mga awtoridad ang mga dokumento ng motorsiklo, bigla na lamang tumakas ang drayber dahilan para habulin ito ng mga pulis hanggang sa tuluyan itong maharang.

Sa routine frisking, nadiskubre ng pulisya ang hindi dokumentadong caliber .45 pistol na kargado ng dalawang bala, isang empty magazine ng kaparehong pistola, at sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P18,360.

Nakitaan din ang suspek ng Cafgu identification card.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at nahaharap sa mga kasong paglabag sa firearms law at anti-drugs law. RNT/JGC