Home METRO Cagayan Valley naghahanda sa matinding El Niño

Cagayan Valley naghahanda sa matinding El Niño

57
0

CAGAYAN, Philippines – Naghahanda na ang Cagayan Valley sa posibleng matinding epekto ng El Niño simula Hunyo hanggang katapusan ng 2026, ayon sa PAGASA.

Sinabi ni Romeo Ganal Jr., hepe ng PAGASA Northern Luzon Forecasting Center, na malaking banta ang El Niño sa agrikultura, suplay ng tubig, kalusugan ng publiko at enerhiya sa rehiyon.

“We have to prepare for this El Niño as it will linger in June until the end of 2026,” ayon kay Ganal.

Nauna nang nagdeklara ng state of calamity ang Cagayan dahil sa mahigit P10 bilyong pagkalugi sa agrikultura sanhi ng tagtuyot at kakulangan sa tubig. Nagdeklara rin ng state of calamity ang Isabela matapos makaranas ng bilyong pisong pinsala sa mga sakahan.

Babala ni Ganal, maaaring tumaas ang kaso ng heatstroke at dehydration dahil sa matinding init, lalo na sa Cagayan at Isabela.

Malaki rin umano ang epekto ng matagal na tagtuyot sa pangingisda, agrikultura at pinagkukunan ng tubig. Bumaba na rin ang lebel ng tubig at tumaas ang temperatura nito, na maaaring makaapekto sa local fisheries.

Bagamat may 79% posibilidad ng El Niño mula Hunyo hanggang Agosto, sinabi ng PAGASA na maaari pa ring makaranas ng mas mataas sa normal na pag-ulan sa ilang lugar dahil sa southwest monsoon o habagat.

Paliwanag ni Ganal, maaaring magdulot ang habagat ng kombinasyon ng tagtuyot at panandaliang pagbaha dahil ang mga ulan ay maaaring tumagal lamang ng 30 minuto hanggang dalawang oras.

Noong Mayo 15, umabot sa 46 degrees Celsius ang heat index sa Tuguegarao City habang bumisita si Ferdinand Marcos Jr. sa lugar. Kinabukasan, bumaba ito sa 42 degrees Celsius.

Bilang tugon, namimigay ang Department of Agriculture ng mga binhi at pataba, nagsusulong ng climate-resilient crops, at naglalagay ng solar-powered irrigation systems sa mga taniman ng mais upang mabawasan ang paggamit ng gasoline-powered pumps.

Gayunman, sinabi ng ilang residente na hindi sapat ang tulong na natatanggap ng karamihan sa mga magsasaka. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here