THE HAGUE, Netherlands – Iminungkahi ng mga prosecutor sa International Criminal Court (ICC) na simulan sa Nobyembre 30, 2026 ang paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity dahil sa kanyang war on drugs.
Ayon sa prosecution, matatapos nila ang lahat ng kinakailangang pre-trial procedures bago mag-Setyembre 30, 2026.
Sinabi nila: “The proposed date for the start of trial will allow the prosecution to efficiently discharge its disclosure and other pre-trial steps… and will consequently likely prevent problems arising during the trial which could cause delay.”
Samantala, iminungkahi naman ng Common Legal Representatives of the Victims na simulan ang trial sa Setyembre 2026 upang mapabilis ang proseso para sa mga biktima at akusado.
Hiniling din ng depensa na English ang gawing working language sa proceedings at magkaroon ng Cebuano interpretation upang masundan ni Duterte ang mga pagdinig.
Tinatayang may 60 hanggang 70 witnesses ang prosecution, kabilang ang 25 hanggang 30 na personal na haharap sa korte. Maaaring magsama rin sila ng expert witnesses tungkol sa war on drugs, police operations, paggamit ng deadly force, forensic science, at bilang ng mga nasawi sa kampanya kontra droga.
Nasa kustodiya ng ICC sa The Hague si Duterte mula pa noong Marso 12, 2025 habang hinihintay ang paglilitis kaugnay ng umano’y mga pag-abuso noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan bilang pangulo.
Patuloy namang itinatanggi ni Duterte ang mga alegasyon at kinukuwestiyon ang hurisdiksyon ng ICC sa kaso. RNT/MND