Home METRO Call center sumideline bilang kawatan, dinamba!

Call center sumideline bilang kawatan, dinamba!

111
0

Arestado ng mga tauhan ng Las Piñas City police Talon Substation ang isang call center agent na nangholdap ng isang convenience store Lunes ng madaling araw, Hulyo 15.

Kinilala ni Las Piñas police chief P/Col. Sandro Tafalla ang nadakip na suspect na si alyas Allan, 48.

Base sa report na isinumite ni Tafalla sa Southern Police District (SPD), naganap ang panghoholdap ni alyas Allan sa isang convenience store na matatagpuan sa Rainbow Village, San Antonio Street, Marcos Alvarez, Talon Singko, Las Piñas City dakong alas 2:30 ng madaling araw.

Ayon sa nagbabantay ng convenience store na si alyas Daryl, 20, sa mga oras na iyon ay pumasok ang suspect na suot pa ang kanyang helmet at nagpanggap na isang customer.

Inabisuhan ng biktima ang suspect na tanggalin ang kanyang helmet ngunit imbis na sumunod ay bumunot ito ng .9mm kalibre na baril at nagdeklara ng holdap.

Nagkataon naman na ipapasok na ng kahera ang halagang P67,314 na kita ng tindahan sa kanilang vault na natangay ng suspect na agad na lumabas ng tindahan at sumakay sa kanyang motorsiklo at pinaharurot ito patungo sa destinayon ng Alabang-Zapote Road.

Makaraang makarating sa kaalaman ng Talon police Substation ang pangyayari ay agad na nagkasa ng follow-up operation ang mga awtoridad na nagdulot ng pagkakaaresto ni alyas Allan bandang alas 5:00 ng umaga.

Sa pagsisiyasat ng dalang sling bag ng suspect ay naglalaman ito ng .9mm pistola na kargado ng siyam na bala, 30 live ammunitions, black holster at ang tinangay na pera mula sa convenience store.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Las Piñas City police ang suspect na nahaharap sa mga kasong robbery hold-up with force and intimidation, illegal possession of firearm, at paglabag sa RA 11235 (motorcycle crime prevention act). (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here