Home TOP STORIES Caloocan solon sinita ng dating alkalde sa insensitibong magarbong bday party

Caloocan solon sinita ng dating alkalde sa insensitibong magarbong bday party

Inakusahan ni dating Caloocan Mayor Rey Malonzo si Caloocan 1st District Representative Oca Malapitan na gumastos ng milyun-milyon para sa pagdiriwang ng kanyang ika-70 kaarawan sa isang marangyang hotel sa Parañaque City.

“Ayon sa aming nakalap na impormasyon, milyun-milyon ang ginastos ng pamilyang Malapitan para sa kanyang magarbong birthday celebration noong June 14. Kasama na rito ang P3 milyon para lamang sa venue at pagkain; wala pa rito ang para sa emcee at mga entertainers tulad nila Zsa Zsa Padilla, Rey Valera, Paolo Santos at marami pang iba,” ani Malonzo.

“Hindi naman sana problema ang paggastos para sa magarbong party kung ang mga Malapitan ay private citizen, ngunit si Oca Malapitan ay Congressman, samantalang si Along Malapitan na kanyang anak naman ay ang mayor ng Caloocan, kung saan marami sa ating mga kababayan ay naghihirap. Ito ay napakainsensitive at labag sa ethical standards ng ating mga public officials,” dagdag pa ni Malonzo.

Ayon kay Malanzo, base sa kanilang inisyal na pagsasaliksik, ang pamilya Malapitan ay walang makabuluhang business venture para suportahan ang ganitong marangyang pamumuhay, kung saan umaasa lamang umano sila sa kanilang mga tungkulin bilang mga public servant.

Ang selebrasyon, na ginanap noong Hunyo 14, ay dinaluhan ng humigit-kumulang 1,000 bisita, kabilang ang mga opisyal ng barangay at lungsod, pari, celebrity, negosyante, at matataas na opisyal ng gobyerno.

Matatandaan na nadawit ang pangalan ng mambabatas sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2013 para sa “misuse” ng pondo nito na aabot umago sa P8 milyon. Kung saan noong taong 2015, sinampahan ng criminal case ng Office of the Ombudsman kasama ang ilang opisyales ng DSWD.

Sa sumunod na taong 2016, kung saan ito ay naging Alkalde, naharap naman ito sa kasong plunder and graft complaint para sa overpriced na birthday gift packs para sa mga Senior Citizens sa Caloocan.

Tinataya sa P49 million ang naging usapin na pera ngunit ito ay na dismissed din kinalaunan. RNT