Home TOP STORIES Camille Villar inspirado kay Doña Aurora Quezon sa pagtulong sa bayan

Camille Villar inspirado kay Doña Aurora Quezon sa pagtulong sa bayan

AURORA – Binigyang-pugay ni House Deputy Speaker Camille Villar ang alaala ni Doña Aurora Quezon sa ika-46 anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan ng Aurora. Kinilala niya ang makataong paglilingkod ni Doña Aurora bilang unang pangulo ng Philippine National Red Cross.

Binanggit ni Villar kung paano isinulong ni Doña Aurora ang karapatan ng kababaihan, sa kabila ng pagiging nasa likod ng administrasyon ng kanyang asawa. Matapang niyang ipinaglaban ang maraming adhikain, hanggang sa ialay ang kanyang buhay para sa bayan.

“Ipinakita ni Doña Aurora ang lakas ng mga kababaihan—isang huwaran ng malasakit at pagtulong sa nangangailangan,” ani Villar.

Sa edad na 40, inihambing ni Villar ang mga natutunan niya mula sa kanyang mga magulang, sina Senate President Manny Villar at Sen. Cynthia Villar. Aniya, tinuruan siya ng mga ito ng kahalagahan ng pamilya, sipag, tiyaga, at paglilingkod sa kapwa.

Bilang kandidato sa Senado sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Halalan 2025, nangako siyang ipagpapatuloy ang kanilang misyon sa pagtulong sa mga nangangailangan.

Sa 2nd Pasidayaw Festival ng Aurora, pinuri ni Villar ang pagkakaisa at mayamang kultura ng lalawigan. Ang pistang ito ay pagdiriwang ng kasaganaan sa agrikultura at pangisdaan, na sumisimbolo ng bagong simula at pag-unlad. RNT