Manila, Philippines – Humingi ng payo si Rachel, isang OFW na misis, sa ‘CIA with BA’ kung paano niya haharapin ang kanyang asawang nalulong sa sugal.
Sa isang episode, nagbigay ng payo si Kuya Boy Abunda.
Dahil sagrado ang kasal, binigyang-diin ni Kuya Boy ang tatlong mahahalagang hakbang upang matulungan ang asawang nalulong sa sugal:
Aminin ang problema – “Kailangan ma-realize ng asawa mo na meron siyang addiction.”
Humanap ng tulong – “‘Pag naamin niya na may problema, get help. Kung kaya niyang tumigil mag-isa, na ‘wag nang lumapit sa mga nagsusugal, maso-solusyonan ‘to kaagad. Pero kung hindi, get professional help.”
Kontrolin ang pera – “Kung alam mong isusugal niya lang ‘yung pera, ‘wag mo nang ibigay sa kanya. Ikaw muna mag-manage nung pera habang may problema siya sa sugal.”
Pinayuhan ni Kuya Boy ang misis na maging maingat sa paghawak ng kanilang pinaghirapang pera at tiyakin na mapoprotektahan ang kanilang mga ari-arian mula sa posibleng negatibong epekto ng pagsusugal.
Nagbigay din si Senador Alan Peter Cayetano ng mahahalagang legal at praktikal na gabay tungkol sa usaping ito.
Ayon kay Kuya Alan, kung umiiral na ang pagkahilig sa sugal bago pa man o noong kasal, maaaring gamitin ang psychological incapacity bilang batayan para sa annulment. Gayunpaman, kung hindi paghihiwalay ang solusyon na nais, may mga paraan upang maprotektahan ang ari-arian ng asawa.
“Ang maganda po, nasa batas na ‘yung utang na nanggagaling sa sugal o game of chance ay hindi pwedeng i-charge sa ‘yo,” paliwanag niya. Ibig sabihin, kung magkaroon man ng malaking utang ang isang tao dahil sa pagsusugal, hindi ito maaaring ipasa sa kanyang asawa. Ngunit may panganib pa rin, lalo na kung ang kanilang ipon, ari-arian, o iba pang naipundar ay magamit o maibenta nang hindi alam ng asawa.
Napapanood ang CIA with BA tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA7, na may replay sa GTV tuwing Sabado, 10:30 p.m. JP Ignacio