MAKATI, Philippines — Habang nagsasagawa ng house-to-house campaign sina Senadora Nancy Binay at dating Kongresista Monsour Del Rosario, kapwa kandidato sa lokal na halalan sa Makati ay natagpuan umano nila ang campaign materials ni Congressman Kid Peña sa loob ng Barangay Hall ng Pio del Pilar noong Mayo 9, 2025.
Ayon sa kampo nina Binay at Del Rosario dumaan sila sa barangay hall upang bumati sa mga empleyado.
Dito umano nila nakita ang mga posters at campaign paraphernalia ni Peña, na kasalukuyang Kongresista at tumatakbong Bise Alkalde.
Binanggit nila na ang pag-iimbak ng ganitong mga materyales sa pampublikong pasilidad ay maaaring paglabag sa COMELEC Resolution No. 11104, Seksyon 34(b), na nagbabawal sa paglalagay ng campaign materials sa mga pag-aari ng gobyerno gaya ng barangay halls at covered courts.
Sa isa pang bidyo makikitang sinita ni senador Binay ang nasabing campaign materials.
Hindi ito umano ang unang pagkakataon. Noong Abril 29, 2025, iniulat din ng parehong kampo ang umano’y presensya ng campaign materials ni Congressman Luis Campos, tumatakbong Alkalde at ka-tandem ni Peña, sa barangay hall ng Barangay Pinagkaisahan.
Sa isang post sa social media, kinumpirma ni Campos na ang mga materyales ay inilagay sa mesa ng barangay hall upang kuhanin ng mga residente.
Gayunman, iginiit ng kampo nina Binay at Del Rosario na anuman ang layunin, ang paggamit ng pasilidad ng gobyerno para sa kampanya ay dapat na masusing pag-aralan sa ilalim ng umiiral na mga patakaran ng COMELEC.
Nanawagan ang kampo nina Binay at Del Rosario sa Commission on Elections (COMELEC) at iba pang kaukulang ahensya na magsagawa ng imbestigasyon upang matukoy kung may naganap na paglabag at kung kinakailangang magpatupad ng karampatang aksyon. RNT