Home NATIONWIDE Comelec nanindigan sa desisyon sa DQ ng Quezon bet

Comelec nanindigan sa desisyon sa DQ ng Quezon bet

MANILA, Philippines- Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang motion for reconsideration na inihain ni Matt Erwin Florido na tumatakbo bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Quezon province matapos siyang idiskwalipika ng poll body sa midterm elections dahil sa alegasyon ng vote-buying.

Sa pitong pahinang resolusyon na inilabas noong May 9, natuklasan ng Comelec en banc na walang matibay na dahilan para baguhin, lalo na’t baligtarin ang naunang reolusyon ng First Division ng poll body. Kaya naman pinagtibay ang diskwalipikasyon ni Florido.

Ang mga petitioner na mga residente ng bayan ng Buenavista ay nauna nang sinabi na sila ay naimbitahan sa isang kaganapan na pinangunahan ni Florido sa Catanauan noong Abril 5 at 6 kung saan sila ay binigyan umano ng libreng transportasyon at pagkain.

Sinabi rin ng petitioner na binigyan din umano sila ng P1,000 bawat isa.

Sa MR na inihain ni Florido noong May 5, itinanggi niya ang alegasyon ng vote-buying at inulit na ang P1,000 cash na ibinigay ay cash advance para sa gastusin sa operasyon na may kaugnayan sa kanilang trabaho sa Buenavista, Quezon.

Sinabi ng petitioners sa kanilang oposisyon noong May 6 na nabigo si Florido na itatag na ang April 6 event ya isang lehitimong volunteer orientation.

Binanggit ng Comelec en banc na hindi naglabas ng anumang bagong argumento ang respondent para kontrahin ang naunang resolusyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden