MANILA, Philippines- Nadakip ang isang babaeng Canadian na wanted sa falsification of public documents at estafa ng mga miyembro ng Pasay City police Substation-9 nitong Biyernes.
Kinilala ni Pasay City police chief Col. Mario Mayames ang suspek na si alyas Liza, 56, isang pharmacist at residente ng Rosal St., Villa Corazon, Barangay San Augustin, San Fernando Pampanga.
Ani Mayames, naaresto ang suspek bandang alas-2:30 ng madaling araw sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, Barangay 183, Pasay City ng mga miyembro ng Substation-9 katuwang ang Aviation Security Group.
Inaresto umano ang suspek sa bisa ng warrant of arrest para sa falsification of documents sa ilalim ng Article 172, Paragraph (a) in relation to Article 171, Paragraph 6 of the Revised Penal Code na inisyu ni Judge Ma. Loudes F. Tolentino ng San Fernando City, Pampanga Municipal Trial Court, Branch 1 na may petsang September 9, 2014, na may inirekomendang piyansang P12,000.
Ayon sa city police chief, nahaharap din ang suspek sa estafa charges na inisyu naman ni Judge Maria Amifaith S. Fider-Reyes ng San Fernando City, Pampanga Regional Trial Court (RTC) Branch 42, noong September 8, 2014 na may inirekomendang piyansa na P22,000.
Inihayag ni Mayames na kasalukuyang nakapiit ang suspek sa police custodial facility. James I. Catapusan