MANILA, Philippines – Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya laban sa mga car financing scam at cybercriminals, kung saan higit 400 suspek ang naaresto at ilang sasakyan ang nabawi sa mga operasyon.
Ayon kay acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tugisin ang mga sindikatong gumagamit ng pekeng ownership scheme at car loan loopholes.
Noong Oktubre 16, tatlong sasakyan ang nabawi ng Highway Patrol Group (HPG) sa Bataan at Pampanga, kabilang ang isang Toyota Vios, motorsiklong may pekeng rehistro, at Ford Everest na idinulog sa reklamo ng “Failed-to-Return.”
“This operation is a strong message to fraudsters that the PNP will not tolerate financial deception and falsification of records,” ani Nartatez, sabay panawagan sa publiko at mga bangko na beripikahin ang mga dokumento. “Fraudsters thrive on negligence… Ang laban kontra pandaraya ay hindi lang trabaho ng pulis, ito ay responsibilidad nating lahat.”
Iniutos din niya sa HPG na makipag-ugnayan sa Anti-Cybercrime Group (ACG) upang tugisin ang mga online listing at pekeng car loan scheme.
Mula Hulyo hanggang Setyembre, sinabi ni Brig. Gen. Bernard Yang ng ACG na 410 suspek sa cybercrime ang naaresto, 26 menor de edad ang nasagip, at 58 katao ang nahatulang guilty. Dalawang suspek sa text phishing scam gamit ang IMSI catcher device ang nadakip sa Makati at Mandaluyong.
“We intensified cyber patrolling because these devices are being sold online,” ani Yang. Dave Baluyot