BUTUAN CITY — Nagdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa ang patuloy na moderate hanggang heavy rains dulot ng shear line sa Caraga Region simula Huwebes, na nakaapekto sa libu-libong residente at nagdulot ng pagkaantala sa mga gawain.
Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD)-13 nitong alas-8 ng umaga ng Biyernes, umabot sa 23,860 pamilya o 93,756 indibidwal ang naapektuhan ng pagbaha sa 61 barangay. Sa bilang na ito, 794 pamilya o 2,872 indibidwal ang inilikas at kasalukuyang nananatili sa 25 evacuation centers.
Naitala rin ng OCD-13 ang tatlong landslides—dalawa sa Veruela at isa sa Trento, parehong nasa Agusan del Sur. “The Regional Disaster Risk Reduction and Management Council, as well as the provinces of Surigao del Sur, Agusan del Sur, and the city of Butuan, have all raised their alert levels to blue,” ayon sa ahensya.
Nagpatupad din ang mga local government unit sa rehiyon ng suspensyon ng klase at trabaho sa pamahalaan bilang pag-iingat.
Sa Bislig City, Surigao del Sur, patuloy ang evacuation ng mga residente matapos maapektuhan ng pagbaha ang 501 pamilya o 2,054 indibidwal sa limang barangay. Kabilang dito ang Burboroan na may 203 pamilya, Mangagoy na may 194, Tabon na may 95, Pamanlinan na may tatlo, at Tumanan na may anim. Patuloy ang paglikas dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.
Ayon sa National Irrigation Administration (NIA)-13, umabot sa 50.58 metro ang lebel ng tubig sa Gibong River Irrigation System sa Prosperidad, Agusan del Sur, mas mataas sa critical level na 50.50 metro. Naitala naman sa 48.50 metro ang irrigation spill level sa Ogee, kung saan dalawa sa anim na sluice gates ang bukas habang sarado ang apat na intake gates.
Pinayuhan ng NIA-13 ang mga residente, lalo na ang mga malapit sa irrigation systems, na manatiling alerto at patuloy na subaybayan ang mga abiso dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng shear line. Mary Anne Sapico