Home NATIONWIDE Cardinal Tagle, mangunguna sa Misa sa Vatican habang nakaospital si Pope Leo

Cardinal Tagle, mangunguna sa Misa sa Vatican habang nakaospital si Pope Leo

2
0

VATICAN – PANGUNGUNAHAN ni Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle ang pagdaraos ng Banal na Misa sa St. Peter’s Square sa Vatican ngayong Miyerkules, Oktubre 14, habang patuloy na nagpapagaling si Pope Leo XIV matapos maoperahan dahil sa lung cancer.

Ayon sa Vatican, ipinagkatiwala mismo ng Santo Papa kay Tagle ang pangunguna sa Misa bilang bahagi ng pagbabago sa kanyang mga nakatakdang gawain habang nakaospital sa Gemelli Hospital sa Rome, Italy.

Inihayag ni Jesuit Fr. Giacomo Costa, isa sa mga nangangasiwa sa pagtitipon kaugnay ng ika-10 anibersaryo ng Amoris Laetitia, na kabilang sa mga dadalo sa Misa ang mga pinuno ng Eastern Churches, mga pangulo ng bishops’ conferences, mag-asawa at mga eksperto.

Mag-aalay din ng espesyal na panalangin para sa kalusugan ng Santo Papa at sa mga pamilya.

Si Tagle ang bagong Dean of the College of Cardinals matapos aprubahan ni Pope Leo XIV ang kanyang pagkakahalal noong Oktubre 9.

Siya ang kauna-unahang Pilipinong humawak sa naturang mataas na posisyon sa Simbahang Katolika.

Samantala, kinumpirma ng Vatican na matagumpay ang operasyon kay Pope Leo XIV noong Martes, Oktubre 13, kung saan inalis ang ibabang bahagi ng kanyang kanang baga.

Batay sa medical bulletin ng Holy See Press Office, natukoy sa pagsusuri ng tissue na may lung adenocarcinoma ang Santo Papa, isang uri ng cancer sa baga.

Wala namang naging komplikasyon sa operasyon at normal na nagkamalay ang Santo Papa bago ibalik sa kanyang silid sa ospital.

Inaasahang mananatili si Pope Leo XIV sa ospital nang humigit-kumulang isang linggo para sa kanyang paggaling.

Kinansela rin ang kanyang mga pampublikong aktibidad hanggang Oktubre 20.

Sa kabila ng pansamantalang pagbabago sa iskedyul, nananatiling pinuno ng Simbahang Katolika si Pope Leo XIV habang nagpapagaling mula sa operasyon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here