MANILA, Philippines- Nag-iwan ng tone-toneladang basura at putik ang malakawakang pagbaha dahil sa malakas na pag-ulang dulot ni Bagyong Carina, sa ilang lugar sa Marikina City.
Kasalukuyang abala ang mga residente sa paglilinis ng kanilang tahanan at ilang establisimiyento.
Samantala, ibinaba na ang alert level ng Marikina River sa first alarm, base sa Marikina City DRRMO nitong Huwebes ng umaga.
Hanggang alas-4 ng umaga, bumaba ang lebel ng tubig sa 15.9 metro dahilan upang ibaba ang alarm level.
Nakaapekto ang river dredging at widening sa ilalim ng disaster mitigation project ng ng lungsod noong 2021 sa mabilis na pagbaba ng lebel ng tubig sa ilog, dagdag ng MCDRRMO.
Sa pagbaba ng water level, ilang binahang lugar sa Marikina City ang madaraanan na.
Habang sinusulat ito, nakapagtala naman ang Marikina City LGU ng mahigit 30,000 evacuees mula sa mahigit 35 evacuation camps sa lungsod. RNT/SA