Home NATIONWIDE Caritas sa mga senador: Manindigan sa katotohanan vs Quiboloy

Caritas sa mga senador: Manindigan sa katotohanan vs Quiboloy

MANILA, Philippines – Nanawagan ang humanitarian at advocacy arm ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa mga senador na manatiling matatag sa pagsisiwalat ng katotohanan tungkol sa mga akusasyon laban sa Televangelist at umano’y sex offender na si Apollo Quiboloy.

Ginawa ng Caritas Philippines, ang humanitarian, development, and advocacy arm ng CBCP ang pahayag matapos piliin ng ilang senador na ipagtanggol si Quiboloy nang ipag-utos ng komite ng Senado na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros ang kanyang pag-aresto noong Martes matapos mabigong humarap sa mga mambabatas.

Binigyang-diin ng Caritas Philippines ang pangangailangang tiyakin ang hustisya para sa mga umano’y biktima ng human trafficking, sekswal na pang-aabuso at iba pang criminal na aktibidad na kinasasangkutan ni Quiboloy at ng kanyang simbahan, ang Kingdom of Jesus Christ.

Hinimok din ng Caritas Philippines ang Senado na itaguyod ang panuntunan ng batas at tiyaking lahat, anuman ang kanilang katayuan o impluwensya ay mananagot sa kanilang mga aksyon.

Hinikayat din ng Caritas Philippines ang mga Pilipino na magkaisa sa pagtataguyod ng dignidad ng bawat tao at pagtiyak na ang timbangan ng hustisya ay pabor sa mga mahina at walang boses, hindi sa mga makapangyarihan at may pribilehiyo.

Si Quiboloy ay kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado dahil sa alegasyon ng pang-aabuso sa mga kababaihan at mga bata. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous article5 durugista nadakma sa pot session sa Bulacan PNP raid
Next articlePHILHEALTH COVERAGE PARA SA BREAST CANCER, ITINAAS SA PHP1.4M