Home OPINION PHILHEALTH COVERAGE PARA SA BREAST CANCER, ITINAAS SA PHP1.4M

PHILHEALTH COVERAGE PARA SA BREAST CANCER, ITINAAS SA PHP1.4M

Isa sa mga layunin ng Universal Health Care (UHC) Act ay big­yan ang bawat Filipino ng pinansyal na kaseguruhan para sa kanilang pangangailangang pangkalusugan.

Sa parte ng PhilHealth, patuloy nitong pinalalawig ang health benefit packages na magagamit ng lahat sa libo-libong health partners sa buong bansa.

Pinapurihan ni House of Representatives Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang PHILHEALTH o Philippine Health Insurance Corporation sa pangunguna ni President and Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma sa ginawa nitong pagtataas ng pakete para sa breast cancer sa ilalim ng “Z Benefit Package” na mula Php100,000.00, itinaas sa Php1.4 million o 1,400% na pagtaas.

Naging sensitibo at tumugon umano ang health insurance corporation sa isa sa mga malaking gastusin na cancer case sa bansa na siyang numero unong sanhi ng kamatayan ng mga babaeng Filipino.

Sa datos ng DOH o Department of Health, nasa 9,906 ang namamatay bawat tao o katumbas ng 27 bawat araw, habang nasa 27,000 ang nadidiskubreng mga bagong kaso taon-    taon.

Ang Breast Cancer O ang malignant breast neoplasm ay sakit na nagsisimula sa breast tissue, mas madalas mula sa milk ducts o lobules. Ductal carcinomas ang tawag sa cancer na buhat sa ducts at Lobular carcinomas naman kung mula sa lobules. Isa itong karamdaman ng mga tao at mammals na mayoryang nagkakaroon ay mga babae ngunit pwede ring tamaan ang mga lalaki.

Katulad din ng ibang kanser, buhat ito sa interaksyon ng kapaligiran at ng depektibong gene sa katawan ng tao.

Ilan sa mga dahilan ng pagkakaroon ng breast cancer ay hindi pagkakaroon ng anak, hindi pagpapasuso sa mga sanggol, mataas na hormone levels, dietary iodine deficiency, labis na pag-inom ng nakalalasing na alak, at paninigarilyo.

Ito rin ay hereditary o namamana. Malaki ang tsansang magkaroon nito kung isa o dalawa sa mga babaeng kamag-anak ay nagkaroon o mayroon nito. Gayundin, kung ang isa sa dalawang dibdib ay magkaroon, hahawaan nito ang isa pang suso.
Nanganganib din dito ang mga babaeng tumaba matapos ang menopausal period at mga obese.

Ang breast cancer ang siyang nangungunang sanhi ng kamatayan sa ngayon, dinaig nito ang lung cancer, na 15% ng lahat ng may karamdamang ganito, mapa-babae man o lalaki. Tayo ang may “highest standardized incidence rate” sa buong Asya ang nakakaligtas dito  kumpara sa developed countries gaya ng Amerika.