Home SPORTS Carlo Paalam namaalam sa Olympics, talo sa Australyano sa QF

Carlo Paalam namaalam sa Olympics, talo sa Australyano sa QF

Nagtapos na ang hangarin ni Carlo Paalam na makakuha ng gintong medalya sa Olympic boxing matapos matalo sa kalabang Australian na si  Charlie Senior via split decision sa men’s featherweight quarterfinal,Sabado ng gabi.

Naging mahigpit ang labanan ng dalawa sa 57 kg pero mas nakuha ni Senior ang  pagtango ng tatlo sa limang judges upang maitipa ang 3-2 panalo sa North Paris Arena.

Matatandaang naibulsa ni Paalam ang silver medal sa Tokyo bilang flyweight apat na taon na ang nakararaan.

Nakita nina Wade Peterson ng Canada, Piroska Beki ng Hungary, at Ben McGarrigle ng Ireland ang huling round na pabor sa 22-anyos na Australia sa kabila ng paulit-ulit na pagkonekta ni Paalam sa mga suntok, habang ang laban ay malapit na sa huling minuto nito.

Nakuha ng 26-anyos na Filipino ang unang round, 3-2, gamit ang kanyang paraan upang mapasok ang depensa ng mas matangkad at may mas mahabang braso na si  Senior.

Lumaban naman ng husto ang ang Australian na parang wala ng bukas at nakipagpalitan ng kamao kay Paalam.

Ito ang unang laban ni  Senior sa Olympics kung saan haharapin niya sa susunod na round si  reigning world at Asian champion Abdumalik Khalokov ng Uzbekistan.

Umiskor ang top seed fighter ng dominanteng 5-0 panalo laban kay Jose Quiles ng Spain sa unang sesyon ng araw.

Sa pagyuko ni Paalam, ang pambansang koponan ng boksing ay nakatuon na kina female boxers Nesthy Petecio at Aira Villegas upang ipagpatuloy ang Olympic golden dream.RICO NAVARRO