Home METRO 56 parcel na may lamang marijuana bricks nasamsam sa Laguna

56 parcel na may lamang marijuana bricks nasamsam sa Laguna

BIÑAN CITY, Laguna – Nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency ang 56 parcels na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana sa interdiction operation sa Barangay Tubigan, nitong lungsod, nitong Huwebes ng gabi, Agosto 1.

Sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency 4-A na nakatanggap ng report ang PDEA Seaport Interdiction Unit-Batangas at PDEA-Laguna Provincial Office mula sa supervisor ng isang courier company tungkol sa mga parsela na hinihinalang naglalaman ng ilegal na droga.

Nakuha ng mga ahente ang isang sako na naglalaman ng 56 parcels na may iba’t ibang laki na naglalaman ng tuyong dahon ng marijuana na may kabuuang bigat na 7,000 gramo na tinatayang nagkakahalaga ng P840,000.

Tinutunton ng PDEA ang pinanggalingan at nagpadala ng mga parsela. Ang nagpadala ay nahaharap sa mga kasong may kinalaman sa droga. RNT