Home NATIONWIDE Cash aid sa 328,000 trayk driver sa labas ng NCR, ipamamahagi sa...

Cash aid sa 328,000 trayk driver sa labas ng NCR, ipamamahagi sa Abril 8

102
0
NAGING mabilis at organisado ang pamamahagi ng 5,000 Cash Relief Assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mahigit 700 na miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association sa lungsod ng Malabon bilang tulong sa kabila ng patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo. JOJO RABULAN

MANILA, Philippines – Magsisimula sa Abril 8 ang pamamahagi ng cash relief assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mahigit 328,000 tricycle driver sa mga lungsod sa labas ng National Capital Region.

Alinsunod ito sa direktiba ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na mabigyan ng tulong ang mga Pilipinong apektado ang kabuhayan dahil sa pagtaas ng presyo ng langis.

Sa isang news release nitong Lunes, sinabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao na maaari pang madagdagan ang bilang ng mga benepisyaryo sa oras na makonsolida ang lahat ng ulat mula sa regional field offices.

Ayon kay Dumlao, gagamitin ng DSWD ang “clean list” na isinumite ng local government units (LGUs) para sa pamamahagi ng ayuda sa mga tricycle driver sa labas ng National Capital Region.

“Yung isinumite po ng mga LGUs sa aming mga Field Offices na listahan ay isinasailalim sa deduplication process upang hindi po magdoble-doble ang mga naka-listang pangalan, walang entries na kulang, at para masiguro na tama ang mga detalye sa listahan. Ito po ang gagamitin ng DSWD sa pamamahagi ng cash assistance ngayong lingo,” aniya.

Ang listahan ng mga benepisyaryo ay mula sa mga LGU na siya ring nagbibigay ng permit sa mga tricycle driver.

Sa ilalim ng Cash Relief Assistance (CRA), bawat kuwalipikadong tricycle driver ay makatatanggap ng P5,000 upang makatulong sa epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na inuugnay sa geopolitical tensions sa Middle East.

Sinabi rin ni Dumlao na nakikipag-ugnayan pa ang mga DSWD field office sa mga kinauukulang LGU para sa eksaktong oras at lugar ng payout upang masiguro ang accessibility at kaligtasan ng mga benepisyaryo.

“Para po sa oras at lugar ng cash relief assistance payout, mangyari lamang po na antabayanan ang anunsyo sa official DSWD Facebook page at pages ng aming mga Field Offices. Ilalathala po naming ang lahat ng payout areas, pati na rin ang iba pang mahahalagang impormasyon bago magsimula ang payout activity,” dagdag niya.

Ipinatutupad ang CRA sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD, na nagsisilbing social safety net para sa mga indibidwal at pamilyang nahaharap sa hindi inaasahang krisis. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here