Home NATIONWIDE Cassandra Ong tikom sa Senate probe

Cassandra Ong tikom sa Senate probe

MANILA, Philippines- Tumangging humarap at magsalita si Cassandra Li Ong, opisyal na kinatawan ng unlicensed gambling hub Lucky South 99 sa Pampanga, sa Senate panel na iniimbestigahan kung paano sila nakatakas ng mga kasamahan mula sa Pilipinas nang hindi natutukoy ng mga awtoridad, ayon kay Sen. Risa Hontiveros nitong Martes.

Nadakip sina Ong at Shiela Guo, kapatid ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo, sa Batam, Indonesia at ibinalik sa Pilipinas dahil sa warrants na ipinalabas ng congressional bodies na nagsasagawa ng imbestigasyon aid of legislation.

“Ms. Ong has opted to decline from testifying on any matter that may be raised by the committees in the exercise of the right to remain silent and against being compelled to testify against herself,” pahayag ni Hontiveros, batay sa sulat mula sa legal counsel ni Ong na si Ferdinand Topacio.

“I’m sure Attorney Topacio understands that his arguments are premature and are wholly unnecessary,” anang senador.

Binanggit ni Hontiveros ang kaso ni Sabio vs Gordon “where the court ruled that the right against self-incrimination cannot justify one’s outright refusal to appear before a Senate committee.”

“This right may only be invoked when only the incriminating question is being asked,” pahayag ni Hontiveros.

Si Ong — natukoy na official representative ng Lucky South 99 — ay nasa ilalim ng kustodiya ng Kamara. Sinalakay ng mga awtoridad ang compound ng Lucky South 99 nitong taon kasunod ng mga ulat ng mga ilegal na aktibidad sa nasabing Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) hub sa Porac, Pampanga.

Nagpatulong din si Ong kay Harry Roque — dating tagapagsalita ni dating Pangulong Rodrigo Duterte— sa ilang legal issues.

Inatasan ni Hontiveros ang committee secretariat na alamin kung makadadalo si Ong sa Senate hearing sa pamamagitan ng online link.

Nagpadala ng liham ang Senate panel sa kanilang House counterparts upang hilingin ang presensya ni Ong sa kanilang pagdinig, subalit wala pang natatanggap na tugon ang secretariat. RNT/SA