Home OPINION CASTRO DAPAT MULING MAGREVIEW

CASTRO DAPAT MULING MAGREVIEW

DAHIL sa paninisi kay Senadora Cynthia Villar na siya umanong dahilan at kontrolado ang pag-angkat ng bigas, binalikan ng mga nakauunawa ng batas si Palace Press Officer undersecretary Claire Castro at sinabihang dapat bumalik sa College of Law at magreview.

Ayon sa isang abogado, nakalimutan yata ng Presidential Communications Officer na sa paggawa ng batas, may sinusundang proseso at dumaraan sa pag-aaral ng mahigit 200 mambabatas sa Mababang Kapulungan at 24 na senador naman sa Senado bago ipasa sa Pangulo upang mapirmahan nang sa ganoon ay maging ganap na batas.

Hindi ba’t bago dinggin sa Kongreso ang isang inihaing panukala ay ipinatatawag ang stakeholders upang makunan sila ng input kaugnay sa kung makagaganda ba ito sa mamamayan at sa bayan?

Ngayon, itong si Castro ay isinisisi kay Villar ang pagkakamali at kakulangan sa Rice Tariffication Law at inakusahan ang senadora na kinontrol ang RTL upang tamarin na ang mga magsasaka na nagtatrabaho sa kanilang lupa at ibenta na lang.

Parang sinasabi ni PCO Undersecretary na uto-uto ang mga mambabatas at naniwala lang kay Villar. O baka naman kulang lang sa kaalaman si Castro at wala siyang mabagsakan ng sisi kung kaya ipinasa na lang ang pagkakamali kay Villar.

Hindi ba nakatulong ang RTL sa rice hoarding, profiteering, smuggling sa bigas bukod sa pagmura nito at maliban pa dito ang hindi tayo nagkaroon ng sanction sa international community dahil sa naturang batas? Baka hindi ito alam ni Castro.

Hindi kaila na tinanggalan talaga ng kapangyarihan ang National Food Authority dahil sa korapsyon bukod pa mayroong smuggler na nakipagsabwatan sa NFA at ang mga tiwaling ito ay nakakukuha ng import permit dahil sa kanilang suhol.

Alam kaya ni Castro na wala pa man ang RTL ay may panawagang buwagin na ang NFA?

At para raw sa kaalaman ni Castro, naaprubahan sa Senado ang RTL sa botong 23-0 kaya hindi niya pwedeng ibuhos ang kasalanan kay Villar.

Baka nakalimutan ni Castro na may bahagi rin ang Pangulo sa pagpasa ng RTL dahil kung ayaw niya ay pwede niyang ibeto ang anomang panukalang batas.

Sabi pa nitong abogadong bumatikos, nakalulungkot na itong si Castro na bukod sa pagiging abogado ay tagapagsalita ng Palasyo subalit siya ang nagbibigay ng mali, lihis na impormasyon sa publiko. Sa madaling salita, fake news peddler din si Castro?

Sana nga tigilan na ni Castro ang pagpatol sa lahat ng maling balita. Kailangang niyang maghanap ng ebidensiya at huwag puro dakdak na hindi pinag-isipan ang mga lumalabas sa kanyang bunganga.