Home NATIONWIDE Castro pumalag kay Leviste: Ayuda sa Batangas ‘di napolitika

Castro pumalag kay Leviste: Ayuda sa Batangas ‘di napolitika

102
0

MANILA, Philippines – PINABULAANAN ng Malakanyang ang naging pahayag ni Batangas First District Rep. Leandro Leviste na hindi lahat ng barangay ay inimbitahan sa “Bawat Bayan Makikinabang” program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Matatandaang noong nakaraang Biyernes, binisita ni Pangulong Marcos ang lalawigan ng Batangas para mamahagi ng P200,000 financial aid sa mga barangay, subalit hayagang sinabi ni Leviste na 84 barangay lamang mula sa distrito ang inimbitahan.

Dahil dito, hiniling ni Leviste sa Office of the President (OP) na imbestigahan ang napaulat na diskriminasyon sa implementasyon ng programa para sa financial aid sa lokal na pamahalaan.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na ang programa ay hindi “selective” subalit may ilang barangay ang hindi nakasunod sa documentary requirements.

“Sa ating pagkakaalam at sa sinabi sa atin, may mga barangays daw na hindi kinumpleto ang mga dokumento at hindi po maaaring mabigyan agad-agad ng ayuda kapag walang dokumento dahil magiging subject ito sa COA report,” ang winika ni Castro.

Ani Castro, maaari pa namang mag-avail ang mga barangay ng financial aid sa oras na makompleto na ng mga ito ang mga kinakailangang dokumento.

“Iyong mga barangay na hindi nakapagsumite, hindi pinagsumite, pinilit na huwag magsumite ng dokumento ay huwag po silang mawalan ng pag-asa dahil ang sabi ng Pangulo, bawat bayan makikinabang, bawat barangay makikinabang,” ang sinabi pa rin ni Castro.

“So, kung mayroon po kayong kinakailangang mga dokumentong makumpleto, ikumpleto po ninyong lahat iyan at huwag po kayong magpadala sa pulitika. Lahat po kayo makakatanggap ng ayuda,” aniya pa rin.

Nauna rito, naghain naman ng resolusyon si Leviste sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kung saan hinihikayat ang OP na magsagawa ng imbestigasyon.

“Walang pinipiling kulay dito, lahat po kayo ay bibigyan ng ayuda,” diing pahayag ni Castro.

Samantala, sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto na nakahanda na ang tseke para sa mga barangay sa Nasugbu subalit nananatiling “unclaimed” dahil sa hindi pagdalo sa isinagawang handover ceremony.

Sa Taal, naantala ito dahil sa non-submission ng mga required documents. May ilang barangay sa Lipa, Batangas City, Calaca City, Tanauan, Lobo, Sta. Teresita, at Mabini ay mayroon ding incomplete requirements.

“Kung may hindi pa nakatatanggap, ito ay dahil sa kakulangan sa dokumento, hindi dahil sa pulitika. Sa sandaling makumpleto ang requirements, darating ang suporta. Ganito kasimple,” ang sinabi ni Recto sa isang kalatas.

Sa ilalim ng Bawat Barangay Makikinabang Program, ang bawat barangay ay makatatanggap ng P200,000, kalahati ng nasabing halaga ay gagamitin para sa “development at safety projects” gaya ng street lighting, patrol vehicles, CCTVs, at power generators para sa health centers at evacuation facilities.

Ang natitirang P100,000 ay ipopondo sa “finisher program” para sa mga graduating college students upang matiyak na ang kanilang edukasyon ay hindi magagambala ng economic shocks, kabilang na iyong mga nagmula sa global crises. Inaasahan naman na masusuportahan ng programa ang 200,000 students na nasa peligro na mag-drop out.

Sa Batangas, 980 mula sa 1,078 barangay ang nakatanggap ng suporta habang ang natitira naman ay matatanggap ang kanilang tseke kapag natanggap na at narebisang mabuti ang kompleto nilang dokumento. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here