MANILA, Philippines – Magtitipon ang mga obispong Katoliko sa bansa para sa ika-132 plenary assembly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa Ozamiz City mula Hulyo 8 hanggang 10.
Ayon kay CBCP secretary general Msgr. Bernardo Pantin, tatalakayin sa pagpupulong ang mga pastoral priority at mahahalagang isyung kinakaharap ng Simbahan at ng bansa, kabilang ang mental health, pangangalaga sa kalikasan, global energy crisis, at iba pang usaping nakaaapekto sa mga komunidad.
Magbibigay ng opening speeches sina Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown at CBCP president Archbishop Gilbert Garcera.
Hiniling din ni Pantin sa mga mananampalataya na ipagdasal ang mga obispo.
“As shepherds, the bishops come together to listen to one another and to discern the best ways to respond to the needs of our communities. Your prayers are an essential part of that journey,” aniya.
Bago ang plenary assembly, magkakaroon muna ng taunang retreat ang mga obispo mula Hulyo 3 hanggang 6 na nakatuon sa synodality o pagpapalalim ng pagkakaisa, pakikilahok, at misyon ng Simbahan.
Kabilang sa mga lalahok sa retreat sina British Cardinal Timothy Radcliffe, Cardinal Luis Antonio Tagle, at Caloocan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David.
Sa kasalukuyan, may 83 aktibong obispo, 45 retiradong obispo, at tatlong diocesan priest administrators ang nagsisilbi sa Simbahang Katolika sa Pilipinas. Ang CBCP ay nagsasagawa ng plenary assembly dalawang beses bawat taon—tuwing Enero at Hulyo. RNT/MDS