MANILA, Philippines – Nilinaw ng humanitarian arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) nitong Huwebes na wala itong partisipasyon sa tatlong araw na rally laban sa katiwalian na inorganisa ng Iglesia ni Cristo (INC) simula sa Linggo sa Quirino Grandstand sa Luneta, Maynila.
Sa isang post sa social media, itinanggi ni Caritas Philippines president Bishop Jose Colin Bagaforo ang anumang pagkakasangkot sa event na tinaguriang “Rally for Transparency and a Better Democracy” na itinakda sa Nobyembre 16 hanggang 18.
Hindi rin aniya sila nag-eendorso sa anumang rally o pampublikong pagtitipon sa nasabing petsa.
Mahigit 300,000 miyembro ng INC ang inaasahang dadalo sa rally.
Sa kabilang banda, sinabi ng opisyal ng Caritas Philippines na nakatutok sila sa ikalawang “Trillion Peso March” na nakatakda sa Nobyembre 30 sa People Power Monument sa Quezon City.
“Sa isang boses at isang mensahe, patuloy nating tuligsain ang katiwalian at paghingi ng katarungan, transparency, at pananagutan,” sabi ni Bagaforo habang nanawagan sa mga mananampalataya na makiisa sa kaganapan.
Ang unang “Trillion Peso March” ay ginanap noong Setyembre 21.
Ang malawakang kilos-protesta laban sa maanomalyang flood control projects ay lalahukan ng iba’t ibang sektor at relihiyosong organisasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden