MANILA, Philippines- Sinabi ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) nitong Martes na may tiyansa si Cardinal Luis Antonio Gokim Tagle na maitalagang bagong papa ng Catholic Church.
“Si Cardinal Tagle, okay naman, puwede siyang manalo pero ang Espiritu Santo magdedesisyon,” wika ni CBCP director for broadcast Fr. Francis Lucas sa isang panayam.
Pumanaw si Pope Francis nitong Easter Monday dahil sa stroke at irreversible heart failure sa edad na 88.
Sa kanyang pagkamatay, nakatakdang bumoto ng bagong papa ang mga kardinal na wala pang 80-anyos.
“Pagdating ng mga cardinal, magmeeting-meeting sila, mag-uusap-usap, tsika-tsika, at maaaring ilinya nila kung anu-ano sa pag-inog ng panahon ngayon ang uri ng kailangang papa,” ani Lucas.
“So hindi naman kampanyahan ‘yun. Usap-usap lang kasi galing sila sa iba’t-bang bahagi ng daigdig. Kaya ‘yun ang pag-uusapan. Pero pagpasok sa conclave, wala na ‘yun. Nakakulong na sila doon. Maghihintay na lang sila ng pagboto ng bawat isang cardinal elector,” dagdag niya.
Isa si Tagle sa mga posibleng humalili kay Pope Francis.
Batay sa ulat, madalas tawagin si Tagle na “Asian Francis” dahil sa pareho niyang commitment sa social justice at sakaling mahalal ay magiging kauna-unahang pontiff mula sa Asya. RNT/SA