Home NATIONWIDE CCG muling nag-water cannon sa mga barko ng Pilipinas sa Bajo de...

CCG muling nag-water cannon sa mga barko ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc

66
0

MANILA, Philippines — Muling binomba ng China Coast Guard (CCG) ng water cannon ang mga barko ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc nitong Biyernes habang naghahatid ng pagkain at suplay ng gasolina ang mga ito para sa mga mangingisdang Pilipino, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Ayon sa PCG, bandang 6:26 a.m., binomba ng CCG vessel 3107 ang BRP Cape San Agustin habang nagpapatrolya ito 15 nautical miles mula sa Bajo de Masinloc.

Bandang 7:35 a.m., pinaputukan naman ng water cannon ng CCG vessel 21581 ang BRP Datu Paduhinog ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). Makalipas ang ilang minuto, muli itong direktang tinamaan ng barko ng China ng tatlong beses.

Sinabi rin ng PCG na pansamantalang nawalan ng satellite internet ang BRP Datu Paduhinog, ngunit naibalik din ang koneksyon bandang 8:36 a.m.

Bandang 8:09 a.m., namataan din ang isang barko ng Chinese Maritime Militia na humihila ng lubid sa likuran ng BRP Datu Sumakwel, na nagdulot umano ng panganib sa ligtas na paglalayag nito.

Sa kabila ng mga insidente, sinabi ng PCG na ligtas ang lahat ng tauhan ng PCG at BFAR.

Ayon sa PCG, may kabuuang 26 na barko sa lugar noong umaga ng Biyernes—tatlong barko ng PCG, pitong barko ng BFAR, 12 barko ng China Coast Guard, at tatlong barko ng Chinese Maritime Militia.

Iginiit ng PCG na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang Bajo de Masinloc at kinikilala ng 2016 Arbitral Award ang karapatan ng mga Pilipinong mangingisda na mangisda sa naturang lugar.

Ang insidente ay kasunod ng serye ng tensyon sa West Philippine Sea, kabilang ang pag-atake ng CCG sa mga sundalong Pilipino sa Ayungin Shoal noong Lunes, kung saan dalawang miyembro ng Armed Forces of the Philippines ang nasugatan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here