Home HOME BANNER STORY CCG nag-alok ng tulong sa sumabog na PH fishing boat –...

CCG nag-alok ng tulong sa sumabog na PH fishing boat – PCG

MANILA, Philippines- Sa bihirang pagkakataon, nag-alok umano ang China Coast Guard (CCG) na iligtas ang mga mangingisdang Pilipino nang sumabog ang kanilang fishing boat sa bahagi ng karagatan ng West Philippine Sea (WPS) noong Sabado.

Sakay ng FFB Akio ang walong mangingisda nang biglang sumabog ang engine ng bangka sa southwest ng BDM ng alas-11:40 ng umaga, ayon sa ulat mula A Philippine Coast Guard (PCG).

Iniulat ng dumaang fishing boat FFB GG3 ang insidente sa PCG, dahilan upang i-deploy ang multi-role response vessel BRP Sindangan (MRRV-4407) para sa search and rescue operations.

Natagpuan ang bangka sa layong 17 nautical miles southwest ng BDM na lubog ang kalahating bahagi.

Sinabi ni PCG spokesperson Rear Adm. Armando Balilo, ang Chinese Coast Guard at navy vessels ay sinundan ang BRP Sindangan hanggang marating ang lokasyon ng mga mangingisda.

Itinigil lamang nila ang panggigipit nang ipaalam ng mga Pilipino crew sa kanilang Chinese counterpart ang tungkol sa pagsabog.

“The China Coast Guard at BDM (CCG 3302) also launched her two RHIBs [rigid hull inflatable boats] and offered help to the half-submerged FFB [Filipino fishing boat],” kinumpirma ni Balilo nitong Linggo, Hunyo 30.

Sinabi ni Balilo na sa panahon ng rescue operations, mahalagang magligtas ng mga buhay. Kailangan umanong makipag-usap at isantabi ang mga pagkakaiba lalo na pagdating sa mga alitan sa teritoryo.

Ayon sa PCG, dalawa sa mga mangingisda ang nagtamo ng second degree burns na kinailangan ng atensyong medikal. Jocelyn Tabangcura-Domenden