Home NATIONWIDE CCTV footage ng nakatakas na puganteng Korean, nais ipa-subpoena ni Hontiveros

CCTV footage ng nakatakas na puganteng Korean, nais ipa-subpoena ni Hontiveros

MANILA, Philippines – Nais ni Senador Risa Hontiveros na ipa-subpoena ng Senado ang CCTV footage sa Quezon City na nakakuha ng video ng pagtakas ng puganteng South Korean national.

Nitong Linggo, Marso 9, ay muling naaresto ng mga awtoridad si Na Ik-hyeon matapos makatakas habang dumadalo sa court hearing sa Quezon City noong Marso 4.

“We will pursue this at the next subcommittee hearing. Ipapa-subpoena ko ang mga CCTV footage, kasama na ang CCTV sa loob ng Pegasus, dahil posibleng doon nagkaroon ng transaksyon,” saad sa pahayag ni Hontiveros nitong Lunes, Marso 10.

Bagama’t muling naaresto, sinabi ni Hontiveros na nakakabahala dahil posibleng hindi magkakaroon ng manhunt kung hindi pa naisiwalat ang pagtakas ng pugante.

“This is symptomatic of the failures and offenses of the BI (Bureau of Immigration) in handling erring foreign nationals. Mukhang hindi mawala-wala ang kultura ng korapsyon sa ahensya,” sinabi ng senador.

Tinanggal na sa serbisyo ang mga tauhan ng BI na sangkot sa pagtakas ni Na.

Sa kabila nito, nais ni Hontiveros ang mas mabigat na parusa kung kaya’t hinimok niya si BI commissioner Joel Viado na siguruhing ang mga opisyal na sangkot “in this shameful incident be imposed the strictest penalties, including criminal liability under Article 223 of the Revised Penal Code.”

“Magkaroon naman sana ng konting hiya itong mga kawani ng gobyerno,” dagdag niya.

Si Na ay wanted sa fraud sa South Korea, na naaresto sa Clark International Airport noong Mayo 2023 matapos magpakita ng pekeng Philippine passport. RNT/JGC