BENGUET-UMABOT sa P12,405,000 halaga ng mga halaman ng marijuana ang binunot at sinunog sa magkasunod na operasyon ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga plantasyon ng marijuana sa lalawigan ito noong Biyernes.
Ayon kay PDEA Regional Office 1 Director Joel Plaza, sinira ng unang grupo ang 29,400 fully-grown na mga pananim ng marijuana at nasamsam ang limang kilo ng pinatuyong tangkay ng marijuana na nagkakahalaga ng P6,505,000 sa tatlong plantation sites na may sukat na 3,300 square meters na matatagpuan sa Sitios Kawa, Badeo at Kibungan.
Sunod naman sinalakay ng mga awtoridad ang tatlong plantasyon ng marijuana na may kabuuang sukat na 4,500 metro kuwadrado sa Sitio Naptung, Badeo, Kibungan, Benguet kung saan 19,500 piraso ng fully grown marijuana plants na nagkakahalaga ng P5,900,000 ang nasunog.
Ipinahayag ni Plaza na ang mga operasyon ay isinagawa ng “PDEA Regional Office I (PDEA RO I), PDEA Cordillera Administrative Region- Baguio-Benguet Provincial Office (PDEA CAR-BPO), PDEA CAR- Abra Provincial Office (PDEA CAR-APO), at Kibungan Police Station. Mary Anne Sapico