MANILA, Philippines – Iniimbestigahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang Cebu Normal University (CNU) – Main Campus matapos maglabas ang presidente nitong si Daniel Ariaso Sr. ng memo o kautusan na gawing 100% online ang klase nang walang pag-apruba ng Board of Regents (BOR) o konsultasyon sa mga guro at estudyante.
Inilabas ang memo noong Hulyo 21 ngunit binawi ito noong Agosto 2 at pinalitan ng naunang kautusan na pumapayag sa hybrid learning (75% on-site, 25% online).
Gayunman, napansin ng CHED na may mga bagong probisyon sa bagong memo na hindi pa rin aprubado ng BOR.
Inatasan ang CHED Regional Office VII na magsagawa ng imbestigasyon at magsumite ng ulat bago ang Agosto 9. Santi Celario