Home OPINION CERTIFICATE OF ELIGIBILITY NG CSE 2025 PASSERS, MAKUKUHA NA SIMULA SA NOBYEMBRE...

CERTIFICATE OF ELIGIBILITY NG CSE 2025 PASSERS, MAKUKUHA NA SIMULA SA NOBYEMBRE 18

296
0

ISA na namang makasaysayang yugto sa hanay ng mga lingkod- bayan ang naitala kamakailan sa Civil Service Commission (CSC) nang ilabas ang resulta ng Career Service Examination – Pen and Paper Test (CSE-PPT) na isinagawa noong Agosto 10, 2025. Umabot sa 50,096 na masisipag at determinadong Filipino ang opisyal nang kwalipikado para sa serbisyo sibil, isang patunay na ang dedikasyon sa bayan ay hindi ipinagwawalang bahala.

Bagama’t ang bilang ay katumbas lamang ng 15.10 pors­yento ng kabuuang kumuha ng pagsusulit, dapat nating ma­u­nawaan na ang CSE ay hindi basta-bastang eksaminasyon. Sa professional level, 45,730 ang nakapasa o 15.14 pors­yento, samantalang sa subprofessional level naman, 4,366 o 14.73 porsyento lamang. Ang mga numerong ito ay maaaring magdulot ng pagka-alarma sa ilan, ngunit hindi ito sukatan ng kakayahan ng Filipino. Sa halip, ipinapakita nito ang matin­ding kompetisyon at mataas na pa­mantayan na itinakda ng CSC upang matiyak na ang bawat pumapasok sa serbisyo publiko ay tunay na kwalipikado, may integ­ridad, at handang maglingkod ng tapat.

Bilang nagsusulong ng mahusay na serbisyo publiko, labis akong humahanga sa determinasyon ng mga pumasa. Ang pagpasa sa CSE ay hindi lamang simpleng numero sa papel; ito ay isang mahalagang hakbang patungo sa isang makabuluhang karera sa pamahalaan.
Katulad ng sinabi ni CSC chairperson Marilyn Yap, nawa’y magsilbi itong inspirasyon sa mas marami pang Filipino na sumali sa hanay ng mga lingkod- bayan.

Sa panahon ng digital na ser­bisyo, binigyan din ng CSC ng makabagong paraan ang mga examinee upang ma-akses ang kanilang resulta. Simula Oktubre 25, 2025, maaari nang tingnan ng bawat isa ang kanilang indibidwal na rating gamit ang Online Civil Service Examination Result Generation System. Mahalaga ring tandaan na wala nang ipapadalang printed report, kaya kinakailangang ihan­da ang examinee number upang masiguro ang tamang impormasyon.

Ang mga nakapasa ay ma­aari nang mag-claim ng kanilang Certificate of Eligibility (CoE) simula November 18, 2025, sa kanilang CSC Regional o Field Office.

Makabuluhan ang hakbang na ito sapagkat pinapalakas nito ang proseso, at tinitiyak ang ma­ayos na pamamahagi ng mga sertipiko. Bilang karagdagan, may opsyon din ang passers na kumuha ng CoE sa security paper sa alinman sa 16 CSC Regional Offices sa buong bansa, kahit saan man sila kumuha ng pagsusulit.

Sa huli, ang CSE ay nanana­tiling pangunahing daan para sa mga nagnanais maglingkod sa pamahalaan.
Hindi lamang ito pagsusukat ng talino, kundi pati ng disiplina, dedikasyon, at malasakit sa kapwa. Ang mababang passing rate ay paalala na ang pamahalaan ay seryoso sa pagpili ng mga tunay na karapat-dapat.

Naniniwala ako na ang ba­wat pumasa ay hindi lamang magtatamasa ng personal na tagumpay, kundi maghahain din ng tapat at epektibong serbisyo publiko na higit sa lahat, para sa sambayanang Filipino.

Mataas ang presyur sa serbisyo sibil sa kasalukuyan dahil ang sambayanan ay naghaha­nap ng mas bukas, mas tapat, at mas may dedikasyon sa ha­rap ng malaking eskandalo sa mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan. Galit at pagod na ang taumbayan sa deka-dekadang usapin ng ko­rapsyon sa bansa na talaga namang nagpapahirap sa buhay ng maraming Filipino.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here